Home NATIONWIDE ‘People-centered’ housing law na hango sa Jesse Robredo model, isinusulong ni Pangilinan

‘People-centered’ housing law na hango sa Jesse Robredo model, isinusulong ni Pangilinan

1
0

MANILA, Philippines – Isinusulong ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang isang panukalang na mag-aamyenda sa Urban Development and Housing Act of 1992 o Republic Act No. 7279 upang gawing institusyonal ang programang pabahay na nakasentro sa tao.

Layunin nitong bigyan ang mga informal settler family ng ligtas, abot-kaya, at makataong tahanan malapit sa kanilang komunidad kung saan sila nakatira at kumikita.

Ayon kay Pangilinan, dapat gayahin ng mga reporma ang housing approach na pinasimunuan ng yumaong si dating DILG Secretary Jesse Robredo nang siya ay alkalde pa ng Naga City at kalaunan bilang kalihim ng DILG.

“Noong secretary ng DILG si Jesse Robredo, kahanga-hanga ang ginawa niya sa urban housing shortage,” sabi ni Pangilinan sa kanyang co-sponsorship speech para sa Senate Bill No. 2505 o “An Act Establishing an On-Site, In-City, Near-City, or Off-City Local Government Resettlement Program for Informal Settler Families in Accordance with a People’s Plan.”

Kwento ng senador, katuwang ang mga informal settler at ilang partner-NGOs, nagkaroon ng on-site at in-city housing project sa Naga.

“Sa proyektong ito, hindi na inilipat sa malayo ang mga naninirahan sa mga delikadong lugar tulad ng tabi ng riles ng tren, tabing-ilog, at tambakan ng basura,” paliwanag niya.

Dagdag pa niya, pumirma noon si Robredo ng department order para sa P50 bilyong pondo sa loob ng limang taon para sa proyekto. “Dahil dito, libo-libong informal settler ang nakatira na sa disenteng mga bahay ngayon,” ani Pangilinan.

Nilalayon ng panukala na gawing batas ang “revolutionary concept of people participation” na ginamit ni Robredo.

Sa ilalim ng bagong Section 23-A, obligadong bubuo ng People’s Plan ang lokal na pamahalaan o project proponent agency sa loob ng 6 na buwan hanggang 1 taon matapos matanggap ang abiso para sa iminungkahing resettlement o relocation.

Kasama sa gagawa ng plano ang mga civil society organization, DHSUD, National Anti-Poverty Commission, Presidential Commission for the Urban Poor, lokal na social welfare office, at iba pang ahensya.

Nakapaloob dito ang site development plan na may health, sanitation at security, mga non-physical interventions tulad ng housing cooperatives at livelihood programs, sistema ng alokasyon ng socialized housing units, at Relocation and Resettlement Action Plan o RRAP.

Dapat din umanong dumaan sa konsultasyon sa mga apektadong informal settlers ang RRAP para maprotektahan ang kanilang pabahay, kabuhayan at iba pang kalagayan.

Inuna rin sa panukala ang in-city resettlement, susunod ang near-city, at off-city resettlement na gagawin lang kung hindi talaga posible ang dalawang nauna.

“Off-city resettlement shall only be resorted to when near-city resettlement is not feasible, as determined in accordance with the RRAP, and shall be subject to adequate and responsive consultation prior to relocation,” nakasaad sa bill.

Binigyang-diin din ni Pangilinan na tinutugunan ng panukala ang epekto ng climate change sa mga informal settler families sa pamamagitan ng pagbibigay ng safe, secure, at climate-resilient na relocation sites.

“Ito ang solusyon. At may proof of concept na, kailangan na lang i-scale up,” sabi niya. “Safe, affordable housing near jobs, schools, health services, and social networks is essential. And that is the promise of this bill.” Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here