ILOCOS NORTE, Philippines – Sugatan ang isang 15-anyos na Grade 11 student matapos saksakin ng kapwa estudyante sa Balatong Integrated School noong Biyernes, Oktubre 2.
Ayon sa Laoag City Police Station, nagsimula ang insidente sa komprontasyon ng dalawang estudyante na nauwi sa pagtatalo bago sinaksak ang biktima.
Agad namagitan ang isang guro at napahinto ang away.
Dinala sa isang pagamutan ang biktima para magamot. Narekober naman ng mga rumespondeng pulis ang isang balisong na pinaniniwalaang ginamit sa pananaksak.
15-anyos din ang sinasabing suspek.
Inihahanda na ng pulisya ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso, alinsunod sa mga batas at prosesong ipinatutupad sa mga kasong kinasasangkutan ng mga menor de edad.
Hinimok ng Laoag City Police Station ang mga estudyante, magulang, guro at school personnel na agad ireport ang bullying, pagbabanta, harassment at mga alitang maaaring mauwi sa karahasan. RNT/MDS