Home NATIONWIDE Paraan ng pagboto sa OFWs, pinalawak ng Comelec

Paraan ng pagboto sa OFWs, pinalawak ng Comelec

1
0

MANILA, Philippines – Tinitingnan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga paraan upang mas maging accessible ang pagboto para sa overseas Filipino workers (OFWs), kabilang ang mas malawak na paggamit ng internet voting at posibleng maagang pagboto para sa senior citizens, persons with disabilities at iba pang vulnerable sectors.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, mababa pa rin ang turnout ng overseas Filipino voters sa kabila ng mga hakbang para hikayatin silang magparehistro at bumoto.

Tinatayang 12 milyon ang mga Pilipinong nasa ibang bansa, ngunit wala pang 2 milyon ang rehistradong overseas voters.

Noong 2025 midterm elections, 221,284 o 18.12% lamang sa 1.22 milyong registered overseas voters na enrolled para sa online voting ang aktuwal na bumoto.

Umaasa si Garcia na mas mahihikayat ang mga OFW na bumoto sa pamamagitan ng internet voting dahil maaari silang gumamit ng cellphone, laptop o tablet nang hindi na kailangang bumiyahe sa polling site o umalis sa trabaho.

Unang ginamit ng Comelec ang internet voting para sa overseas Filipinos noong 2025 elections. Sa mga bansang sakop nito, maaaring bumoto online ang mga rehistradong botante, habang gumamit naman ng automated counting machines o ibang paraan sa ilang lugar dahil sa mga patakaran ng host country.

Sinabi ni Garcia na malaking tulong ito sa mga seafarer at iba pang OFW na nahihirapang pumunta sa mga embahada o konsulado ng Pilipinas tuwing eleksyon.

Patuloy din ang satellite registration ng Comelec sa mga lugar kung saan maraming Pilipino sa ibang bansa upang mas mapalapit sa kanila ang voter registration.

Sinusuportahan din ni Garcia ang panukalang payagan ang ilang vulnerable sectors na makaboto bago ang mismong araw ng halalan.

Mayroon nang local absentee voting para sa mga gaya ng media workers, guro at sundalo na hindi makaboto sa election day dahil sa kanilang trabaho.

Maaari umanong palawakin ang ganitong sistema para sa senior citizens, persons with disabilities at Indigenous Peoples upang hindi na nila kailangang pumunta sa mataong polling places sa mismong election day.

Ayon kay Garcia, maaari pang talakayin ng Kongreso ang panukalang ito. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here