AGUSAN DEL SUR, Philippines – Umabot sa 2,018 ang dengue cases sa Agusan del Sur mula Enero 1 hanggang Oktubre 1, kabilang ang 14 na namatay dahil sa sakit.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso, idineklara ng Provincial Health Office ang province-wide dengue outbreak noong Setyembre 29 matapos ang evidence-based assessment.
Ayon kay Provincial Health Officer Jacqueline Frances Momville sa media forum nitong Biyernes, nasa red alert na ang sitwasyon at lumampas na ang mga kaso sa epidemic threshold.
“This is a stern warning since those threatened by the dengue virus are from all ages,” pahayag ni Momville.
Sinabi niyang dumaan sa ilang yugto ng assessment ang outbreak declaration batay sa nakalap na datos, habang patuloy pang nadaragdagan ang mga naiuulat na kaso.
Ayon naman kay Dr. Agnes Cullantes, pinuno ng Department of Health provincial office, nagsasagawa ng surveillance ang mga health team sa 14 na munisipalidad at Bayugan City, at ina-update ang datos kada pitong araw.
Sinabi ni Dr. Rosemaricris Perez, medical officer ng D.O. Plaza Memorial Hospital, na dalawa sa mga namatay ay may underlying conditions—isang buntis at isang matanda na may sakit sa puso. Nababahala rin siya dahil marami sa mga pasyente ang huli nang nakakarating sa ospital.
Pinakamaraming dengue cases ang naitala sa Rosario na may 543, sinundan ng San Francisco na may 271, Bayugan City na 229, Loreto na 204 at Bunawan na 180.
Batay sa situationer ng Provincial Health Office noong Oktubre 1, nakapagtala rin ang Prosperidad ng 114 kaso, La Paz 80, Talacogon 76, San Luis 71, Esperanza 68, Trento 64, Veruela 56, Santa Josefa 37 at Sibagat 25.
Pinakamataas din ang dengue attack rate sa Rosario na 10 kaso bawat 1,000 residente, sinundan ng Loreto na lima at Bunawan na apat. May tig-tatlong kaso bawat 1,000 residente ang San Francisco at La Paz.
Nagtala naman ng tig-dalawang kaso bawat 1,000 residente ang Bayugan City, Talacogon at San Luis, habang tig-iisang kaso bawat 1,000 residente ang ibang local government units. RNT/MDS