MANILA, Philippines – Maaaring maging walang bisa mula sa simula ang isang kasal na isinagawa nang walang marriage license kung mapatunayang peke ang affidavit na nagsasabing limang taon nang nagsasama ang mag-asawa, ayon sa Supreme Court (SC).
Sa desisyong may petsang Pebrero 24 at inilabas sa publiko nitong Biyernes, sinabi ng SC na invalid ang kasal dahil maling idineklara ng mag-asawa sa kanilang affidavit na nagsasama sila nang hindi bababa sa limang taon, na isa sa mga kundisyon para makapagpakasal nang walang marriage license.
Pinagtibay ng SC ang mga desisyon ng Court of Appeals noong 2021 at 2022, gayundin ang ruling ng Regional Trial Court sa San Jose, Antique noong 2016.
Nagsimula ang kaso sa petition for declaration of nullity na inihain ng lalaki noong 2013. Iginiit niyang mali ang affidavit of cohabitation na pinirmahan nila ng babae dahil tatlong taon sa anim na taong kanilang idineklarang pagsasama ay nagtrabaho siya sa ibang bansa.
Nagpakasal ang mag-asawa nang walang marriage license noong Mayo 2009 at idineklara nilang mula pa noong 2003 ay nagsasama na sila bilang mag-asawa.
Sa ilalim ng batas, maaaring magpakasal nang walang marriage license ang isang magkasintahan na nagsama bilang mag-asawa nang hindi bababa sa limang taon at nakatutugon sa iba pang itinakdang kondisyon. RNT/MDS