Home TOP STORIES OFW applicant umalma sa WAFID medical screening, dagdag-gastos at clinic assignment kinuwestiyon

OFW applicant umalma sa WAFID medical screening, dagdag-gastos at clinic assignment kinuwestiyon

3
0

MANILA, Philippines — Nagpahayag ng reklamo ang isang overseas Filipino worker (OFW) applicant na patungong Gulf region kaugnay ng pagpapatupad ng WAFID medical screening system, partikular sa clinic assignment at dagdag na gastusin sa pre-employment medical examination.

Ang WAFID ay medical screening program ng Gulf Health Council para sa mga aplikanteng nagnanais magtrabaho o manirahan sa mga bansang kasapi ng Gulf Cooperation Council (GCC).

Ayon sa OFW applicant na nakapanayam, nadagdagan umano ang kanyang gastos dahil bukod sa medical examination at vaccination fees ay kailangan ding magbayad para makapagparehistro sa WAFID portal.

Sa WAFID website, nagkakahalaga ng US$10 ang standard appointment, kung saan awtomatikong ina-assign ang medical center batay sa napiling lungsod. Mayroon ding US$25 premium appointment na nagbibigay ng opsyon na pumili ng medical center at appointment date.

Sinabi ng aplikante na umabot umano sa P7,500 ang hinihinging bayad para sa medical examination at P3,500 para sa isang bakuna, kumpara sa mas mababang halagang dati niyang binabayaran. Ang mga halagang ito ay batay sa kanyang salaysay at hindi pa independiyenteng nabeberipika bilang uniform fees sa lahat ng WAFID-accredited clinics.

Pinangangambahan din ng ilang OFW advocates ang sistema ng clinic assignment dahil sa umiiral na proteksyon sa ilalim ng Republic Act No. 10022.

Sa ilalim ng batas, may karapatan ang Filipino migrant worker na pumili ng alinmang DOH-accredited o DOH-operated clinic para sa kanyang health examination. Ipinagbabawal din nito ang “decking practice” o sistemang nire-refer ang OFW sa partikular na clinic sa halip na siya ang pumili.

Noong 2015, pormal ding inalis ng gobyerno ang dating GAMCA decking and referral system dahil nakita itong salungat sa mga probisyong ito ng RA 10022.

Kamakailan ay tinalakay ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Health (DOH) ang pagpapatupad ng WAFID, kabilang ang usapin sa clinic assignment, fees at karapatan ng OFWs na pumili ng accredited medical facility. Iniulat ding nagpahayag si DMW Secretary Hans Leo Cacdac ng concern kung naaayon sa batas ng Pilipinas ang automated clinic assignment ng sistema.

Dahil dito, nananawagan ang mga apektadong aplikante sa DMW at iba pang kinauukulang ahensya na tiyaking ang anumang medical screening requirement para sa GCC-bound workers ay naaayon sa umiiral na batas at hindi nagdudulot ng hindi kinakailangang dagdag na gastos sa OFWs. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here