MANILA, Philippines – Suportado ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang panukala para sa mas maigting na proteksyon sa mga sugarcane farmer sa bansa.
Inilahad ang panukalang Tunay na Ugnayan, Buhay, at Oportunidad sa Asukal (TUBO) Act sa mga magsasaka at stakeholder sa industriya sa isinagawang LegisHear sa Victorias City, Negros Occidental.
Ayon kay Dy, mahalaga ang konsultasyon upang mas maunawaan ng mga mambabatas ang mga problema ng mga komunidad at maisaayos ang mga panukala batay sa aktuwal na karanasan ng mga magsasaka.
“The proposed bill is a very important measure to protect our sugarcane farmers here in Negros,” ani Dy.
Ang House Bill No. 9088 o TUBO Act ay inakda ni Negros Occidental 3rd District Rep. at Assistant Majority Leader Javier Miguel “Javi” Benitez.
Sinabi naman ni Senior Deputy Speaker at South Cotabato 2nd District Rep. Ferdinand “Dinand” Hernandez na nakatulong ang presentasyon ni Benitez upang mas maunawaan ng mga mambabatas ang mga hamon ng industriya at mga iminungkahing solusyon.
“Rest assured that the Speaker and the rest of us will look into this and help Javi fight for sugar farmers and other stakeholders,” ani Hernandez.
Binigyang-diin ni Dy na mahalaga ang pakikilahok ng publiko upang matukoy kung saan dapat ituon ng Kongreso ang mga hakbang nito.
“That is why we are here today — because we want to make sure that no one is left behind when proposed bills or measures are being discussed, so that everyone has a chance to be heard,” pahayag ng Speaker.
Ayon kay Benitez, inihain ang TUBO Act bilang tugon sa epekto ng pag-aangkat ng asukal, pagbaba ng presyo ng ani at mga kakulangan sa suporta ng pamahalaan sa industriya.
Tinatayang 88,000 Pilipino ang nagtatanim ng tubo, kung saan 84 porsyento ay nagsasaka sa lupang wala pang limang ektarya.
Humigit-kumulang 700,000 katao naman ang nagtatrabaho sa industriya, habang umaabot sa lima hanggang anim na milyon ang mga umaasa rito.
Sa ilalim ng panukala, tataas mula P2 bilyon tungo sa P5 bilyon simula 2027 ang taunang pondo para sa industriya. Tatlumpung porsyento nito ang ilalaan sa farm-to-mill roads at irrigation, habang 20 porsyento naman ang para sa climate adaptation at resilience.
Iminumungkahi rin ng panukala ang 18-buwang paghinto sa commercial sugar imports matapos itong maging batas, maliban kung mapatunayan na may kakulangan sa suplay. Pagkatapos nito, ibabatay ang pag-aangkat sa datos ng suplay at ipagbabawal sa unang tatlong buwan ng milling season.
Nakasaad din sa HB 9088 ang mekanismo para sa interbensyon ng pamahalaan kapag bumaba ang millgate price ng asukal sa ibaba ng sertipikadong production cost. Maaaring bumili ang gobyerno ng asukal sa itinakdang support price at itago ito bilang reserve, kung saan bibigyang-prayoridad ang maliliit na magsasaka at agrarian reform beneficiaries.
Kasama rin sa panukala ang random at hindi ipinaalam na audit sa mga laboratoryo ng sugar mills, regular na pampublikong ulat tungkol sa pondo ng industriya, at dalawang beses kada taon na konsultasyon sa mga magsasaka, manggagawa, agrarian reform beneficiaries, miller at refiner. RNT/JGC