MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng Senado sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na naglalayong hikayatin ang mga pribadong developer na magtayo ng abot-kayang paupahang pabahay para sa mga mahihirap at low-income na pamilya.
Inisponsor ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang Senate Bill No. 2507 o “Affordable and Decent Rental Housing Incentives Act” naipasa nitong Miyerkules.
Ayon kay Escudero, binibigyang-buhay ng panukala ang mandato ng Konstitusyon na dapat magtulungan ang gobyerno at pribadong sektor sa pagtugon sa problema sa pabahay ng bansa.
“The Constitution itself recognizes that the challenge of housing cannot be met by government alone,” sabi niya sa kanyang sponsorship speech, sabay banggit sa Article XIII, Section 9 ng Konstitusyon tungkol sa urban land reform at pabahay.
“The ‘Affordable and Decent Rental Housing Incentives Act’ gives life to this constitutional mandate by providing incentives for the private sector to develop, construct, rehabilitate, and operate affordable and decent rental housing for poor and low-income households,” dagdag niya.
Sa ilalim ng panukala, itatatag ang sistema ng pagpaparehistro at sertipikasyon para sa mga kwalipikadong paupahan.
Kailangan ng mga rental housing provider na magtakda ng upa batay sa itinakda ng Department of Human Settlements and Urban Development o DHSUD, na isasaalang-alang ang kita ng pamilya, umiiral na presyo ng upa sa lugar, at laki at uri ng unit.
Tanging ang mga unit na pumasa sa pamantayang ito at inuupahan ng mahihirap at low-income na mga nangungupahan ang maaaring makatanggap ng mga insentibo.
Kabilang sa mga insentibong maaaring matanggap ng mga developer at operator ay ang VAT exemption sa mga upa, tax incentives sa ilalim ng CREATE Act o Republic Act No. 11534, at 25 porsyentong tax credit sa gross rental income sa loob ng limang taon.
Makakakuha rin sila ng preferential lending mula sa Pag-IBIG Fund, Land Bank of the Philippines, at Development Bank of the Philippines, pati na rin ng credit guarantees, interest subsidies, at viability gap funding.
Sinabi rin ni Escudero na papayagan ng panukala ang paggamit ng mga lupa at ari-arian ng gobyerno para sa abot-kayang paupahan sa pamamagitan ng usufruct, lease, concession, at public-private partnership.
“These incentives give government the tools to orchestrate and harmonize public and private resources toward a common goal: decent and affordable housing for every Filipino family,” ani Escudero.
Binigyang-diin ng senador na layunin ng panukala na dagdagan ang supply ng paupahang pabahay, hindi lang ito regulahin.
“In doing so, we fulfill the vision of our Constitution—government and the private sector working together to put decent and affordable housing within reach of our people,” aniya.
Ang pondo para sa pagpapatupad ng panukala ay isasama sa taunang General Appropriations Act at sa budget ng mga kaukulang government-owned and controlled corporations. Ernie Reyes