MANILA, Philippines – Iniharap ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) ang datos hinggil sa kalagayan ng early-grade reading at early childhood development sa Cebu sa RAFI ECCD Convergence 2026 na ginanap sa Cebu nitong October 1, 2026.
Ayon kay EDCOM 2 Executive Director Dr. Karol Mark R. Yee, sa pagtatapos ng School Year 2025-2026, nasa humigit-kumulang 31,600 na mag-aaral mula Grades 1 hanggang 3 sa lalawigan ng Cebu ang hindi pa nakababasa ayon sa kanilang grade level.
Batay sa Comprehensive Rapid Literacy Assessment o CRLA ng Department of Education, pangatlo ang SDO Cebu sa buong bansa sa may pinakamaraming struggling readers. Labing-isang porsyento o katumbas ng 13,300 na estudyante sa Key Stage 1 ang nakatala bilang struggling readers.
Kabilang ang Cebu Province sa mga may pinakamalaking hamon sa early-grade reading sa bansa. Ilan sa mga LGU na may pinakamaraming struggling readers ang Talisay, Balamban, Liloan, Consolacion, at Madridejos, na nangangailangan umao ng mas nakatuong atensyon at interbensyon.
Top 10 LGU sa Cebu na may pinakamaraming struggling readers
1. City of Talisay – 2,933 o 22.5%
2. City of Toledo – 1,331 o 10.6%
3. Consolacion – 1,211 o 16.2%
4. Liloan – 1,111 o 17.6%
5. Balamban – 865 o 17.6%
6. Minglanilla – 752 o 10.6%
7. Daanbantayan – 642 o 12.4%
8. City of Carcar – 609 o 7.7%
9. City of Naga – 607 o 8.6%
10. Barili – 560 o 12%
Pinagkunan: EDCOM 2 Early Childhood Dashboard; DepEd-CRLA EOSY 2025-2026
Binigyang-diin din ni Dr. Yee na kung hindi maaagapan ang problema sa literacy bago umakyat sa Grade 4 ang mga bata, mas lalala ang agwat sa mga susunod na baitang.
Ayon sa EDCOM Final Report na “Turning Point: A Decade of Necessary Reform”, maraming mag-aaral na sa Junior at Senior High School ang hindi na marunong bumasa at umintindi ayon sa kanilang grade level.
Iniugnay din ng presentasyon ang resulta sa pagbasa sa kalagayan ng bata bago pa pumasok sa paaralan. Batay sa 2025 Operation Timbang Plus ng National Nutrition Council, nasa 25,000 na bata edad 5 pababa sa Cebu Province ang stunted.
Sinabi ng komisyon na 16 porsyento ang mas mataas na tsansa ng mga batang stunted na bumagsak sa isang grade, at hindi na umano naibabalik ang pinsala sa utak ng bata mula sa stunting matapos ang edad na 24 na buwan.
Sa ilalim ng National Education Plan 2026–2035, layon ng EDCOM 2 na itaas ang porsyento ng mga mag-aaral sa Key Stage 1 na nakababasa ayon sa grade level mula 47.74% noong EOSY 2024–2025 tungo sa 75% sa 2028, 90% sa 2031, at 95% sa 2035.
“If these are our national targets, what targets will Cebu as a province set in terms of reducing stunting, improving access to early childhood education, and also addressing illiteracy at Grade 3? Is it improving by 5 or 10 percent? Whichever the number is, it is important to quantify so that we know how much effort and resources we all need to bring together, to ensure that no Cebuano child is left behind,” sabi ni Dr. Yee.
“With the many universities here in Cebu, the active engagement of civil society organizations such as RAFI, and the determination of the local government, I am sure that Cebu can make significant progress in education and nutrition in the years ahead,” dagdag niya. Ernie Reyes