MANILA, Philippines – Inatasan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang lahat ng police unit sa Metro Manila na paigtingin ang paghahanda sa seguridad kaugnay ng mga posibleng mangyari sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay NCRPO chief Brig. Gen. Christopher Abrahano nitong Martes, inatasan niya ang lahat ng district director, unit commander at mga kinauukulang tauhan na paigtingin ang seguridad at pagbabantay sa sitwasyon, gayundin ang pagpapakita ng presensiya ng mga pulis sa kani-kanilang nasasakupan.
Nauna nang tiniyak ni Interior Secretary Jonvic Remulla na “always expects the worst” ang Philippine National Police at handa itong tumugon sa anumang posibleng mangyari sa oras na maglabas ng hatol ang Senate impeachment court laban sa Bise Presidente.
“Whatever the outcome may be, our mandate remains the same. We are here to serve the Filipino people, uphold the Constitution, and protect public safety. The NCRPO does not take sides in political issues. We remain committed to our sworn duty,” pahayag ni Abrahano.
Hinimok din niya ang publiko na manatiling kalmado at igalang ang demokratikong proseso habang hinihintay ang mga susunod na pangyayari sa impeachment proceedings ni Duterte.
Pinaigting na rin ng NCRPO ang koordinasyon nito sa mga lokal na pamahalaan at iba pang kinauukulang ahensiya upang matiyak ang iisang pagtugon sa anumang posibleng sitwasyon. RNT/MDS