Home HOME BANNER STORY PSBANK time deposits ni VP Sara, wala sa SALN – prosekusyon

PSBANK time deposits ni VP Sara, wala sa SALN – prosekusyon

1
0

MANILA, Philippines – Iginiit ng House prosecution panel na hindi idineklara ni Vice President Sara Duterte sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ang ilang time deposit niya sa Philippine Savings Bank (PSBank).

Sinabi ito ni Mae Divinagracia, abogado ng panel ng House prosecutors, habang tinatanong niya sa direct examination ang testigo ng prosekusyon na si Atty. Ronel Buenaventura, executive director ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) secretariat.

Naghain si Buenaventura sa Senate impeachment court ng buod ng mga “covered” at “suspicious” financial transaction ni Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio mula 2007 hanggang 2025.

Hiniling ni Divinagracia kay Buenaventura na kumpirmahin ang mga transaksiyon ng Bise Presidente sa PSBank-Wilson branch, na isa-isa niyang binanggit.

Ang una ay noong Disyembre 26, 2018, na may dalawang transaksiyon na P1,945,265.88 at P1,981,263.25. Ayon kay Buenaventura, “time deposit credit memo or placement” ang una, habang “time deposit credit memo or termination” ang ikalawa.

Sumunod ang transaksiyon noong Disyembre 28, 2020 sa parehong branch na nagkakahalaga ng P2,005,340.22. Inilarawan ito ng opisyal ng AMLC bilang “time deposit debit memo,” at gayundin ang katumbas na halaga bilang “time deposit credit memo.”

Ganito rin ang sagot ni Buenaventura sa transaksiyong P2,013,498.18 noong Disyembre 23, 2021. Ganito rin ang paglalarawan niya sa time deposit na P2,020,879.39 na iniulat ng PSBank-Wilson noong Setyembre 22, 2022.

Dito sinabi ni Divinagracia na layon ng prosekusyon na patunayan, gamit ang mga SALN ng Bise Presidente at iba pang dokumentong naipresenta na sa impeachment court, na hindi idineklara ng respondent ang mga time deposit sa PSBank sa kanyang mga SALN para sa 2019, 2020, 2021 at 2022.

Tinutulan ito ng depensa at tinawag na “improper” ang pahayag ng abogado ng prosekusyon.

Gayunman, pinayagan ni presiding officer Senator-Judge Francis Escudero na manatili sa rekord ang pahayag. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here