Home NATIONWIDE Transaksyon ni Mans Carpio, pinayagang isama sa impeachment trial ni VP Sara

Transaksyon ni Mans Carpio, pinayagang isama sa impeachment trial ni VP Sara

1
0

MANILA, Philippines – Ibinasura ng Senate impeachment court ang hirit ng depensa ni Vice President Sara Duterte na huwag isama sa unexplained wealth case ang mga financial transaction ng kanyang asawa na si Atty. Manases “Mans” Carpio.

Dahil dito, pinayagan ng korte ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) witness na si Secretariat Executive Director Ronel Buenaventura na magtestigo tungkol sa mga rekord ni Carpio.

Tinangka ng defense counsel na si Atty. Mark Vinluan na pigilan ang testimonya tungkol sa mga transaksiyon ni Carpio noong 2014. Katwiran niya, hindi impeachable officer si Carpio at naganap ang mga transaksiyon bago pa naging Bise Presidente si Duterte.

“Considering that Atty. Manases Carpio is not an impeachable officer, and this is a transaction in 2014, we are objecting precisely on the basis of relevance, Your Honor,” ani Vinluan.

Iginiit din ng abogado na hindi patas na siyasatin ang mga transaksiyon ni Carpio dahil wala itong sariling abogado sa impeachment proceedings.

Sinabi naman ng private prosecutor na si Mae Divinagracia na may kaugnayan ang pananalapi ni Carpio dahil absolute community of property ang rehimen ng kasal nito kay Duterte at saklaw ng financial disclosure ng Bise Presidente ang ari-arian ng kanyang asawa.

“The objection, unfortunately, counsel, is overruled,” pasya ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero.

Nagtala ang depensa ng continuing objection at muling iginiit na naganap ang mga transaksiyon bago ang kasalukuyang termino ni Duterte.

Matapos ang ruling, tinukoy ni Buenaventura ang pitong covered transaction report na may kaugnayan kay Carpio na may petsang Marso 28, 2014. Lahat ay inter-account transfers na iniulat ng Bank of the Philippine Islands-J. Vargas branch.

P41 milyon sa isang araw

Bago ang ruling, sinabi ni Buenaventura na anim na transaksiyon mula sa mga account ni Carpio na umabot sa P41 milyon ang isinagawa sa loob lamang ng isang araw noong Agosto 6, 2024.

Kabilang dito ang dalawang check encashment na nagkakahalaga ng P15 milyon at P8 milyon, at apat na over-the-counter withdrawal na P5 milyon, P5 milyon, P3 milyon at P5 milyon.

“P41 million po, Your Honor,” sagot ni Buenaventura nang tanungin sa kabuuang halaga ng mga transaksiyon.

Kinumpirma rin niyang kay Carpio ang mga account na sangkot sa anim na transaksiyon.

Layunin ng House prosecution na iharap ang financial records nina Duterte at Carpio sa ilalim ng Article II na tumutukoy sa alegasyon ng unexplained wealth. Ihahambing ang mga rekord ng AMLC sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte bilang bahagi ng kanilang kaso. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here