MANILA, Philippines – Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na paigtingin ang pagbibigay ng impormasyon sa taumbayan sa gitna ng El Niño upang maging handa ang lahat at maiwasang lumikha ng artificial panic na siyang ginagamit ngayon ng ibang content creator kahit ito ay walang basehan.
Ipinag-utos ng Pangulo ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na tiyakin na makatatanggap ang publiko ng tama, napapanahon at science-based information sa ukol sa inaasahang epekto ng El Niño mula October 2026 hanggang March 2027.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro, binigyang diin ng Pangulo ang kahalagahan na panatilihing may wastong kaalaman ang mga ito at naghahanda habang pinipigilan ang ‘unnecessary public alarm’ dulot ng unverified claims.
Ipinag-utos din ng Pangulo sa mga kinauukulang ahensiya na madaliin ang paghahanda para pagaanin ang potensiyal na epekto ng El Niño phenomenon.
Nauna rito, nakapulong ng Pangulo ang mga opisyal mula sa Department of Science and Technology (DOST), Department of Agriculture (DA), Department of Health (DOH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), and Office of Civil Defense (OCD) at nakatanggap ng updates hinggil s apaghahanda ng gobyerno para sa El Niño phenomenon.
Sa press briefing sa Malakanyang, nilinaw ni DOST Secretary Renato Solidum na ang deklarasyon ng El Niño ay tumutukoy sa umiiral na kondisyon sa Pacific Ocean at hindi kagyat na nangangahulugan na ang lahat na bahagi ng Pilipinas ay kaagad na makararanas ng tag-tuyot o matinding dry conditions.
Winika ni Solidum na ang epekto ng El Niño sa bansa ay depende sa dami ng ulan na mararanasan sa iba’t ibang lugar. Sinabi pa nito na may ilang lalawigan ang maaaring makaranas ng mas matinding dry conditions sa papasok na ilang buwan lamang.
Sinabi pa nito na ang bansa ay nakararanas na ng ilang epekto ng El Niño, subalit maaaring maging matindi depende sa dami o lakas ng buhos ng ulan sa mga darating na buwan.
“El Niño is not about the Philippines, but the condition in the Pacific. So El Niño meaning yung antas ng temperatura ng dagat kumpara sa normal ay masyadong mataas. Pero yung epekto nito dito sa atin, kulang ba ang ulan o hindi, depende na rin doon sa ulan na darating kung gaano karami,” ayon kay Solidum.
Samantala, inanunsyo ng DOST-Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang opisyal na pagtatapos ng Habagat season kasunod ng mga pagbabagong naobserbahan sa umiiral na weather pattern nitong mga nakaraang araw.
Ayon sa PAGASA, kabilang sa mga naobserbahang pagbabago ang paglakas ng high-pressure system sa East Asia, paglipat patimog ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ), at kapansin-pansing paghina ng hangin at pagbaba ng pag-ulan na kaugnay ng Southwest Monsoon o Habagat.
Batay sa mga forecast, inaasahang magpapatuloy ang mga kondisyong ito sa mga susunod na araw.
Dahil dito, idineklara ng PAGASA na opisyal nang nagtatapos ang Habagat season, na nangangahulugan din ng pagtatapos ng rainy season sa mga kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.
Patuloy namang imo-monitor ng DOST-PAGASA ang lagay ng panahon at climate conditions sa bansa.
Pinapayuhan ang publiko at mga kinauukulang ahensya na regular na subaybayan ang mga kaugnay na weather information at advisories mula sa PAGASA. (KRIS JOSE)