Home NATIONWIDE NBI pinuri ni Pangilinan sa pagdakip sa BOC officials na nagbebenta ng...

NBI pinuri ni Pangilinan sa pagdakip sa BOC officials na nagbebenta ng smuggled chicken

2
0

MANILA, Philippines – Pinuri ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang operasyon laban sa mga opisyal ng Customs na sangkot sa pagbebenta ng frozen chicken meat na dapat sana na sisirain.

Ayon sa senador, pinatutunayan ng insidente ang pangangailangan na paigtingin ang laban sa korapsyon sa loob ng gobyerno. Tinanggap din niya ang mabilis na hakbang ng BOC na pansamantalang tanggalin sa pwesto ang dalawang opisyal ng Port of Subic habang iniimbestigahan.

Pinamumunuan ni Pangilinan ang Senate Committee on Food, Agriculture, and Agrarian Reform at nangunguna sa kampanya laban sa agricultural smuggling. Aniya, dapat gamitin ang operasyon para mas palalimin ang imbestigasyon kung paano nakakalusot ang mga kumpiskadong pagkain na nasa pangangalaga ng gobyerno imbes na maayos na itapon.

“Saludo tayo sa NBI sa kanilang pagkilos at kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno sa agarang pag-relieve sa mga opisyal habang iniimbestigahan ang insidente. Mahalaga ang mabilis na aksiyon upang mapangalagaan ang ebidensiya at matiyak ang isang patas at masusing imbestigasyon,” sabi niya.

“But while we welcome the recent operation of the NBI and the BOC against erring government officials who are involved in these illegal activities, we also want to get to the bottom of this modus: paano ba ito nangyari, sino-sino ang mga nakikinabang, at sino ang nagkulang sa pagbabantay?,” dagdag ng mambabatas.

Ayon sa ulat, nagsagawa ang NBI ng operasyon sa isang rendering facility sa Santa Maria, Bulacan, kung saan umano’y ibinebenta ang tonelada-toneladang frozen chicken meat na dapat na sana ay sisirain.

Bahagi ng nasabing karne ang P6.7 milyon na halaga ng frozen chicken na kinumpiska ng Customs noong nakaraang buwan sa Port of Subic.

Galing sa Hong Kong ang shipment at misdeclared bilang cooked tofu, pero na-flag ito matapos makatanggap ng intelligence information na maaaring naglalaman ito ng frozen o processed food at agricultural products.

Sa inspeksyon, natagpuan ang 1,380 kahon ng frozen chicken breast at 174 kahon ng frozen fish tofu.

Dahil dito, naglabas ang Customs ng relief orders noong September 21, 2026 na pansamantalang nag-alis sa pwesto ng Port of Subic Customs Police District Commander at Customs Intelligence and Investigation Service Field Station Chief.

Pero diin ni Pangilinan, preliminary measure pa lang ang relief orders at dapat matukoy ang pananagutan base sa ebidensiya at due process.

“Hindi dapat matapos sa pag-relieve. Kailangang matukoy kung sino ang naglabas, naghatid, tumanggap, at nagtangkang magbenta ng mga produktong dapat ay sinisira. Kung may opisyal o pribadong indibidwal na sangkot, dapat silang panagutin batay sa ebidensiya,” aniya.

Nanawagan din siya sa National Meat Inspection Service o NMIS, Department of Agriculture’s Inspectorate and Enforcement o DAIE, at Philippine National Police o PNP na ilahad ang mga hakbang na ginawa nila kaugnay ng insidente.

“Sa NMIS, DAIE, at PNP: ano na ang inyong ginawa sa kasong ito? Kung may imbestigasyon na, ilahad ang mga hakbang at resulta na maaari nang isapubliko. Kung wala pa, ano pa iniintay ninyo? Kumilos na kayo,” giit niya.

Hiniling ni Pangilinan na beripikahin ng NMIS kung authorized ang facility na mag-handle ng condemned meat, suriin ang mga nakumpiskang produkto, at alamin kung may naipamahagi na sa merkado. Dapat din aniyang alamin ng DAIE ang pinagmulan, galaw, at target buyers ng mga produkto, habang dapat makipag-ugnayan ang PNP sa NBI at BOC para habulin ang mga nagbebenta, naghahatid, at nagpoprotekta.

Nanawagan din siya sa DENR-Environmental Management Bureau Region III na beripikahin kung tugma ang environmental clearance ng rendering facility sa aktwal na operasyon at kapasidad nito sa pag-handle ng condemned meat.

Binigyang-diin ni Pangilinan ang pangangailangan ng mahigpit na accountability mula sa seizure hanggang sa final disposal ng mga kumpiskado at condemned na agricultural products.

“Ang agri smuggling ay banta sa food security. Kapag hinahayaan nating makapasok at maipamahagi ang mga ilegal na produkto, naaapektuhan ang kabuhayan ng ating mga magsasaka at mangingisda at nalalagay sa panganib ang ating food supply,” aniya.

“Hindi natin matatalo ang agri smuggling kung may mga taong nasa loob mismo ng gobyerno na tumutulong, nagpapalusot, o kumikita mula rito. Kung seryoso tayo sa pagsugpo sa smuggling, kailangan ding linisin ang loob ng gobyerno,” dagdag niya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here