MANILA — Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, umabot sa ₱1.06 trilyon ang Gross Domestic Product (GDP) ng City of Manila noong 2025, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Batay sa datos ng PSA na inilabas noong Oktubre 6, 2026, nanatili ang Manila bilang isa sa pinakamalalaking city economies sa bansa at pumangatlo sa kabuuang GDP, kasunod ng Quezon City at Makati City.
Tinatayang 14.6 porsiyento ng kabuuang ekonomiya ng National Capital Region ang nagmula sa Maynila, indikasyon ng malaking papel ng kabisera sa aktibidad pang-ekonomiya ng Metro Manila.
Malaki ang bahagi ng services sector sa ekonomiya ng lungsod na umabot sa 77.4 porsiyento ng GDP, habang 22.6 porsiyento naman ang mula sa industry sector.
Sa ilalim ng Minimum Basic Needs platform ni Domagoso, kabilang sa binigyang-diin ng administrasyon ang healthcare, education, housing at jobs—mga sektor na bahagi rin ng aktibidad pang-ekonomiya ng lungsod.
Kabilang sa pinakamabilis na lumago noong 2025 ang transportation and storage na nagtala ng 10 porsiyentong growth rate, sinundan ng human health and social work activities na 9.4 porsiyento at education na 6.4 porsiyento.
Pinakamalaki naman ang ambag sa GDP ng wholesale at retail trade, kabilang ang repair ng motor vehicles at motorcycles, na may 22 porsiyento. Sumunod ang manufacturing na may 18.5 porsiyento at public administration and defense, kabilang ang compulsory social security, na may 15.4 porsiyento.
Umabot naman sa ₱565,047 ang per capita GDP ng Manila noong 2025, na kabilang sa mga highly urbanized cities sa NCR na nagtala ng per capita GDP na mas mataas kaysa sa tinatayang regional value.
Sa kabuuang paglago ng ekonomiya, nanguna ang public administration and defense na may 0.5 percentage point, kasunod ang transportation and storage na may 0.4 percentage point at human health and social work activities na may 0.24 percentage point.
Para kay Domagoso, ang datos ay mahalagang sukatan ng galaw ng ekonomiya ng kabisera, habang patuloy na itinutulak ng kanyang administrasyon ang mga programang nakatuon sa pangunahing pangangailangan ng mga Manilenyo.
Mula nang maupo muli bilang alkalde noong Hulyo 2025, itinampok ni Domagoso ang healthcare, education, housing at jobs bilang pangunahing haligi ng kanyang pamamahala sa Maynila. JAY Reyes