MANILA, Philippines – Nanawagan si Sen. Robinhood “Robin” Padilla na ipataw ang parusang kamatayan sa mga sangkot sa smuggling ng produktong agrikultural kasunod ng panawagan ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na imbestigahan ang pagkakasamsam sa humigit-kumulang 20,000 metriko tonelada ng bigas mula Vietnam na nagkakahalaga ng tinatayang P700 milyon.
Sa kanyang manifestation sa Senado nitong Huwebes, sinabi ni Padilla na hindi sapat ang pagkakakulong sa mga miyembro ng sindikato.
“Okay naman po ’yung kulungan, dapat talagang may makulong. Pero kung ganito pong klaseng mga tao na nasa loob ng sindikato, magbubuhay hari lang po ito sa loob,” ani Padilla.
“Kaya kung ako po ay inyong pagbibigyan, death penalty na po,” dagdag niya.
Ayon kay Padilla, na may pinagmulan sa Mindoro at Marinduque, kabilang sa mga apektado ng agricultural smuggling ang mga magsasaka sa kanyang mga probinsya.
“Kitang-kita ko po sa aming probinsya kung paano nito unti-unting pinapatay ang mga magsasaka,” aniya.
Iniulat naman ni Pangilinan na nasamsam ang mga kargamento ng bigas mula sa dalawang barko noong Setyembre 17 at 21. Ang MV Tay Son 2, na may dalang 12,500 metriko tonelada ng bigas, ay naharang sa Port of Davao, habang ang MV Lucky Star, na may 7,500 metriko tonelada, ay nasamsam sa Port of Limay.
Ayon kay Pangilinan, nagkakahalaga ng humigit-kumulang P700 milyon ang mga kargamento batay sa presyong $420 kada metriko tonelada sa pandaigdigang merkado. Kabilang sa mga ahensiyang nagsagawa ng operasyon ang Bureau of Customs, Department of Agriculture, Philippine Coast Guard at Philippine Navy, matapos magkaroon ng mga isyu sa dokumentasyon at sanitary at phytosanitary permits.
Iniimbestigahan ang insidente bilang posibleng paglabag sa Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act of 2024. Kinuwestiyon din ni Pangilinan ang kakulangan ng mga hatol na guilty sa mga kasong smuggling sa kabila ng maraming nasamsam na kargamento.
Sinuportahan din nina Sen. Pia Cayetano at Sen. Joel Villanueva ang panawagan para sa imbestigasyon. Ayon kay Cayetano, mabigat ang epekto ng agricultural smuggling sa mga magsasaka at kanilang pamilya, habang sinabi ni Villanueva na apektado rin ang mga magsasaka sa Isabela.
Ini-refer ng Senado sa Committee on Agriculture and Food ang privilege speech ni Pangilinan at mga kaugnay na pahayag para sa karagdagang pagtalakay. RNT/MDS