Home METRO Posibleng ugnayan ng 2 ambush sa Basilan, iniimbestigahan ng PNP

Posibleng ugnayan ng 2 ambush sa Basilan, iniimbestigahan ng PNP

2
0

BASILAN, Philippines – Iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang posibleng ugnayan ng dalawang ambush na tumarget sa mga tauhan ng Philippine Army sa Basilan. Isa ang nasawi at ilang iba pa ang nasugatan, kabilang ang isang 10-anyos na bata.

Ayon kay PNP Public Information Office chief PCol. Allen Rae Co nitong Biyernes, inaalam ng mga lokal na pulis kung iisang grupo ang nasa likod ng mga pag-atake sa Lamitan City at Tipo-Tipo.

“Our local units there are looking at the angle na ito ‘yung gumawa, the same group nung nakaraan at ito ay hinahanap natin. We will not stop until we bring them to justice,” pahayag ni Co.

Sa pinakahuling ambush sa Lamitan, isang sundalo ang nasawi at anim na iba pang tauhan ng Army ang nasugatan. Dalawang sibilyan din umano ang tinamaan, kabilang ang isang 10-anyos na batang lalaki.

Samantala, sampung sundalo ang nasugatan sa naunang ambush sa Tipo-Tipo noong Oktubre 5.

Sinusuri rin ng mga imbestigador ang posibilidad na paghihiganti ang motibo ng mga pag-atake dahil parehong tauhan ng iisang yunit ng Army ang mga target.

Iniugnay ni Co ang posibleng motibo sa naunang engkuwentro na kinasangkutan ng mag-asawang may mga warrant of arrest. Nakatakas ang lalaki habang napatay naman ang kanyang asawa sa palitan ng putok.

“Lalo lang lumalakas dahil this is the same who operated. ‘Yung mag-asawa ay may warrant and husband was able to escape. In the firefight, ang natamaan is asawa niya na namatay,” ani Co.

“Vengeance ang lumalabas, ‘yun ang initial na nakikita natin. And since they have targeted the same unit, so mas lalong lumalakas ‘yung anggulo na the same group ang gumawa nito,” dagdag niya.

Kinondena ng PNP ang pag-atake, lalo na ang pagkakasangkot ng mga sibilyan. Ayon sa ulat, kasama ng kanyang ama ang 10-anyos na bata nang tamaan ito.

Inaalam din ng mga awtoridad kung kabilang ang mga suspek sa isang grupong dating bahagi ng mas malaking organisasyon bago humiwalay rito.

Nananatiling nakaalerto ang PNP at nakikipag-ugnayan sa Philippine Army at iba pang yunit ng Armed Forces of the Philippines habang nagpapatuloy ang pagtugis sa mga suspek at ang imbestigasyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here