Home METRO Chinese businessman, arestado sa P896K pekeng food seasonings

Chinese businessman, arestado sa P896K pekeng food seasonings

2
0

CAGAYAN DE ORO CITY, Philippines – Arestado ang isang Chinese businessman dahil sa umano’y pagbebenta ng mga pekeng food seasoning na nagkakahalaga ng P896,000, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Nasamsam ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tinatayang 160 kahon ng hinihinalang pekeng food seasoning sa isang operasyon sa Barangay Bulua noong Lunes, Oktubre 5.

Ayon kay PNP Public Information Office chief PCol. Allen Rae Co, iniimbestigahan ng mga awtoridad kung gaano na katagal nagnenegosyo ang suspek at kung saan naipamahagi ang mga produkto.

“Iti-trace natin ‘yung mga naipalabas na niya, kung saan niya nai-supply, possibly for recovery,” ani Co.

Inaalam din kung lokal na ginawa o inangkat mula sa ibang bansa ang mga hinihinalang pekeng seasoning.

“Saan nila ginagawa, paano ang process, kung dito ba ginawa sa atin locally or in-import? Lahat titingnan natin ‘yan. Again, nagpo-pose ng danger kasi ito sa public,” pahayag niya.

Dahil mga produktong pagkain ang nasamsam, pinag-iisipan ng mga awtoridad na ipadala ang mga sample sa Food and Drug Administration (FDA) upang matukoy ang aktuwal na sangkap ng mga ito. Susuriin din ang posibleng iba pang paglabag ng suspek.

Una siyang inaresto dahil sa umano’y paglabag sa Intellectual Property Code of the Philippines, ngunit nakapagpiyansa at kalaunan ay pinalaya.

“What’s important is we were able to take out ‘yung counterfeit products from the market before it reached the market,” ani Co.

Nagbabala ang CIDG na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan at kaligtasan ng pagkain ang mga pekeng produkto dahil maaaring hindi dumaan ang mga ito sa kinakailangang pagsusuri sa kalusugan at sanitasyon.

Hinimok ng CIDG ang publiko na iulat sa mga awtoridad ang mga pinaghihinalaang pekeng produkto upang maprotektahan ang mga mamimili at lehitimong may-ari ng mga trademark. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here