SAN PASCUAL, Batangas, Philippines – Nagbigay ng paliwanag sa pulisya ang tricycle driver na nahuling nakaladkad umano ang asong nakatali sa kanyang sasakyan sa isang highway sa Barangay San Antonio, San Pascual, Batangas. Lumutang ang driver nitong Biyernes upang ipaliwanag ang nangyari.
Ang driver, na may-ari rin ng aso, ay nagtungo sa San Pascual Municipal Police Station upang magbigay ng pahayag. Itinanggi niyang sinadya niyang kaladkarin ang alaga at sinabing tumalon ito mula sa tricycle habang papunta siya sa kalapit na Bauan upang magsundo ng pasahero.
Ayon sa kanya, napansin lamang niya ang nangyari nang pigilan siya ng isa pang tricycle driver at ipaalam ang sitwasyon. Nang masugatan ang aso, nanghiram siya ng pera upang mabayaran ang pagpapagamot nito sa beterinaryo.
Nagsumite na ang may-ari ng sinumpaang salaysay sa mga awtoridad at nakipagpulong din sa mga kinatawan ng Animal Kingdom Foundation (AKF).
Ayon kay AKF President at Executive Director Atty. Heidi Marquez-Caguioa, kapani-paniwala ang paliwanag ng driver at paulit-ulit itong humingi ng paumanhin. Dahil dito, nagpasya ang foundation na hindi na siya kasuhan.
“Tapos napagamot naman at very apologetic naman. Inamin niya na may pagkukulang siya, hindi niya napansin,” ani Marquez-Caguioa.
“So based on that, I think we would just– pinapirma namin siya ng undertaking na mas pangangalagaan niya yung puppy kasi alaga rin pala nung anak niya eh,” dagdag niya.
Nag-viral sa social media ang video ng insidente matapos itong kuhanan ni Angel Luzon noong Miyerkules ng gabi. Makikita sa bidyo ang tricycle na bumibiyahe sa highway habang nakatali sa sasakyan at nakaladkad sa kalsada ang aso. RNT/MDS