MANILA, Philippines – Inirekomenda ng Land Transportation Office–Intelligence and Investigation Division (LTO-IID) ang isang taong suspensiyon sa lisensya ng motorcycle rider na sangkot sa hit-and-run sa sasakyan ng “It’s Showtime” host na si Cianne Dominguez sa Antipolo City.
Dumalo ang rider, na siya ring rehistradong may-ari ng motorsiklo, sa pagdinig ng LTO-IID noong Biyernes, Oktubre 9. Nagsumite rin siya ng paliwanag bilang tugon sa show-cause order.
Ayon sa LTO, inamin ng rider na siya ang may-ari at nagmamaneho ng motorsiklong makikita sa video ng insidente.
Ikinuwento ng rider na papunta sila ng kanyang asawa sa Antipolo Church nang biglang huminto ang minamanehong sasakyan ni Dominguez upang magbigay-daan sa isang tricycle. Sinubukan niyang magpreno at umiwas, ngunit hindi niya naiwasan ang banggaan.
Ipinaliwanag din niyang bago pa lamang siyang driver at kinabahan at natakot matapos ang insidente, kaya agad siyang umalis sa lugar. Sinabi rin ng LTO na handa siyang makipag-ayos kay Dominguez.
Ayon kay Dominguez sa ABS-CBN News, hindi siya nakadalo sa imbitasyon ng LTO dahil sa kanyang abalang iskedyul, ngunit naroon ang kanyang ama sa pagdinig.
Batay sa LTO-IID, may sapat na batayan upang panagutin ang rider sa ilang paglabag administratibo, kabilang ang reckless driving at pagiging hindi angkop na magmaneho ng sasakyan.
Kinumpirma ni LTO Chief Markus Lacanilao sa ABS-CBN News na kabilang sa mga rekomendadong parusa ang isang taong suspensiyon ng lisensya. Inaasahang ilalabas ng LTO ang pinal na resolusyon sa lalong madaling panahon. RNT/MDS