Home NATIONWIDE PBBM administration, pinalalakas sports, suporta sa mga atletang Pilipino

PBBM administration, pinalalakas sports, suporta sa mga atletang Pilipino

1
0

MANILA, Philippines – Nakatuon ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpapaunlad ng sports sa bansa at pagsuporta sa mga atletang Pilipino, ayon sa isang opisyal ng Malakanyang, araw ng Biyernes.

Sa press briefing sa Orchard Hotel Singapore, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nagtutulungan ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, gaya ng Philippine Sports Commission at PAGCOR, at ang pribadong sektor upang itaguyod ang kapakanan ng mga atletang Pilipino.

Kabilang sa mga pangunahing pasilidad na matatapos ang Ilocos Norte Sports Institute and Research Building, na maglalaman ng mga pasilidad para sa pagsasanay sa bowling, gymnastics, badminton, sepak takraw, at iba pang sports.

Pinabibilis din ang pagpapaunlad sa General Luna Convention Center sa Siargao, na nakatuon sa water sports at magkakaroon ng akademya para sa pagsasanay sa water sports kagaya ng surfing, coastal rowing, beach sprints, at dragon boat racing.

Mayroon ding iba pang proyekto, gaya ng mas malawak na Siargao Sports Complex, kung saan itatayo naman ang mga facilities para sa basketball, volleyball, badminton, rubberized track oval, dormitoryo para sa mga atleta, at convention center.

Sa Mindanao, itatayo ang Zamboanga City Sports Complex na magsisilbing regional training center para sa pagsasanay ng mga atleta sa Zamboanga Peninsula.

Sa Luzon naman, magtatayo ng athletic bowl sa Baguio City na magsisilbing regional training center para sa pagsasanay ng mga atleta sa Cordillera.

“Marami pang proyekto ang nais ng Pangulo na matapos. At ang nais ng Pangulo ay talagang world-class ang mga ito,” ani Castro. “Mga proyektong hindi mapipintasan at hindi maaaring pagmulan ng mga kickback para sa mga taong nagbabalak gumawa ng mga anomalya.” (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here