MANILA, Philippines – Kinwestyon ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte kung bakit kailangan pa ng National Bureau of Investigation (NBI) na kunin ang kanyang pananaw kung kumpiyansa ito sa resulta ng lie detector test ni dating police officer Rodulfo Gracioso Jr.
Nitong Sabado kasi ay inimbitahan ng NBI si Duterte para magbigay-linaw sa kontrobersyal na alegasyon ni Gracioso kabilang ang paghahatid ng bag ng cash sa mambabatas at iba pang miyembro ng pamilya nito.
Sa Facebook post, kinwestyon ni Duterte ang desisyon ng NBI na hingin ang kanyang panig sa kabila ng assessment nito sa kredibilidad ni Gracioso.
“99.9% legit si Gracioso base sa lie detector test ng NBI di ba?” ani Duterte.
Aba, kung ganoon pala kayo ka-kumpiyansa sa kanya, bakit kailangan pa ang insights ko? Para saan—may kulang pa ba sa ebidensiya, o kulang lang sa kumpiyansa ang NBI sa sarili nilang assessment?” dagdag pa niya.
Nauna nang sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na ang pahayag ni Gracioso ay 99% truthful batay sa polygraph test na isinagawa ng ahensya.
Sumailalim si Gracioso sa dalawang lie detector test.
“Hindi naman ako ang nagsabi ng 99.9%. Kayo ang nagsabi niyan. So, put your money where your mouth is. Kung hindi, huwag ninyo akong gawing pampalakas ng loob,” ani Duterte. RNT/JGC