Home NATIONWIDE Konsi sa QC inisyuhan ng show cause order sa ‘di pagsusuot ng...

Konsi sa QC inisyuhan ng show cause order sa ‘di pagsusuot ng helmet

1
0

MANILA, Philippines – Inisyuhan ng Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) ang isang konsehal sa Quezon City matapos makitang nakasakay sa three-wheeled motorcycle nang walang suot na standard protective helmet sa pampublikong kalsada.

Ang aksyon ay ipinag-utos ni LTO chief Markus Lacanilao matapos makarating sa ahensya ang video na nagpapakitang ang opisyal ay lumalahok sa community patrol kasama ang mga opisyal ng barangay sa Quezon City nang walang suot na helmet.

Bilang tugon sa insidente, inatasan ni Lacanilao ang paglalabas ng SCO sa rehistradong may-ari at rider ng motorsiklo.

“Nakasaad sa SCO na kailangan nilang humarap sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) sa Oktubre 22, 2026, upang magsumite ng kanilang sinumpaang salaysay o paliwanag at mga dokumentong susuporta sa kanilang panig kaugnay ng alegasyon,” saad sa pahayag ng LTO.

Nahaharap ang rider sa posibleng paglabag sa Mandatory Use of Motorcycle Helmets Act sa bigong pagsusuot ng helmet habang bumibiyahe sa pampublikong kalsada.

“Maaari ring masuspinde o mabawi ang kanyang lisensya kung mapatutunayang kuwalipikado siyang ideklarang Improper Person to Operate a Motor Vehicle, alinsunod sa umiiral na batas at proseso,” dagdag ng ahensya.

Inaasahan ang rider na isusuko ang kanyang lisensya sa IID para sa 90-day suspension, habang inilagay na rin sa alarma ang motorsiklo.

Iginiit naman ni Lacanilao na hindi exempted sa batas ang sinumang opisyal ng pamahalaan.

“Ang pagroronda para mapanatili ang kaayusan ng komunidad ay hindi dahilan para balewalain ang batas-trapiko. Anuman ang tungkulin sa kalsada, kailangang magsuot ng helmet at sumunod sa mga patakaran para sa sariling kaligtasan,” saad sa pahayag ni Lacanilao.

“Hinihikayat ang publiko na iulat sa ahensya ang mga nakikitang paglabag upang mabigyan ng kaukulang aksyon.” RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here