Home OPINION NARIRINIG BA NG LGU BOSES NG TAUMBAYAN SA NCAP?

NARIRINIG BA NG LGU BOSES NG TAUMBAYAN SA NCAP?

1
0

SA usapin ng No Contact Apprehension Policy o NCAP, nagpatawag na ba ng public hearing o konsultasyon ang Metro Manila Development Authority sa ilang lokal na pamahalaang nagpapatupad ng NCAP upang mapakinggan ang paliwanag ng bawat panig gayundin ang hinaing ng kanilang mga nasasakupan? Kung ang layunin ng NCAP ay mapabuti ang traffic discipline at kaligtasan sa kalsada, hindi ba mas makabubuti na bago ito maipatupad ay mas mainam na marinig muna ang boses ng mga motorista, commuters, transport groups at iba pang stakeholders?

Bilang mamamahayag at safety advocate, nais po nating linawin na wala tayong pagtutol sa NCAP bilang bagong konsepto sa pagpapanatili ng kaayusan at disiplina sa trapiko. In fact, pinuri pa nga natin ang MMDA sa nakaraang programa at commentary segment natin sa Radyo Pilipinas noong October 4, 2026 sa NPC Meet the Press dahil sa maayos at successful na resulta at komprehensibong implementasyon nito.

May narinig ba kayong matinding reklamo sa NCAP ng MMDA, wala ‘di ba? Kaya ‘kudos’ kay MMDA Chairman Romando Artes. Thank you, Sir.
Pero sa resumption ng Local Government Unit o LGU, bakit sandamukal na agad ang reklamo at katanungan ng transport groups? Kasi nga dear readers, may nakikita silang ‘foreseeable risks’ at hindi pa ito nakikitaan ng aksiyon o control measures kung saan ay LGU dapat ang magsagawa at magpaliwanag.

Sa dami ng mga katanungan mula sa transport groups sa isinagawa nilang press conference na ginanap sa National Press Club noong October 5, 2026, ‘eh wala pa rin daw pong natatanggap na pormal na kasagutan si Mr. Ariel Lim, Chairman and Lead Convenor ng National Public Transport Coalition o NPTC, kung nagsagawa o may planong magsagawa ng public consultation ang LGU na nagpapatupad ng NCAP. Kasi nga mas mainam na mapag-usapan ito sa public hearing para ‘well documented’.

Mahirap naman pong puro sa press conference, press release at social media na lang aasa ang sambayanan sa ganitong kumplikadong usapin. Kapag may NCAP citation at contest o apela, hindi naman sa social media kundi sa dokumentadong proseso mauuwi at makikita ang solusyon, di po ba? At saka, nasagot na ba ng LGU ang sandamakmak na mga katanungan, komento at reaksiyon ng netizen sa social media tungkol sa NCAP ng LGU? Huwag ding kalilimutang may mga motoristang hindi ‘techy’ at meron ding madaling mapaniwala sa ‘fake news’ kaya malabong mahatiran sila ng ‘verified’ at tamang impormasyon mula sa LGU, he-he-he!

Nagdulot na kasi ng maraming problema at inulan ng reklamo simula noong unang ipinatupad ang NCAP kaya ito napatigil sa pamamagitan ng temporary restraining order o TRO mula sa Korte Suprema noong August 30, 2022.

Mabalik tayo sa mga katanungan. Sapat nga ba ang panahon ng paghahanda at kung tunay nang handa ang kasalukuyang sistema ng bawat Local Government Unit o LGU para ipatupad ito. Handa ba ang mga camera, traffic signs, adjudication system, personnel, database at proseso ng pag-apela? Sapat din ba ang panahon para ihanda ang publiko sa mga bagong patakaran?

Sa ating pananaw, hindi dapat maging eksperimento sa kalsada ang isang sistemang may direktang epekto sa karapatan at kabuhayan ng mga motorista. Kabilang ang NCAP sa risk reduction measures pero dapat ito po ay “reasonably practicable.” Baka ang LGU at contractor lamang ang nakahanda at hindi ang taumbayan na kanilang dapat kapwa pagsilbihan. Pang-world class ang NCAP, pero gayundin kaya ang biglaang implementasyon at proseso nito? Puwede po itong sagutin sa public consultation.

Napakahalagang usapin ang sapat at malinaw na impormasyon mula sa LGU. Kailangang ipaalam nang maayos sa publiko kung paano ipinoproseso ang violation, paano ito ipinadadala at paano maaaring i-contest o i-apela.

At paano kung ang sasakyan ay second-hand at nakarehistro pa rin sa pangalan ng dating may-ari? Paano masisiguro na ang bagong may-ari ang makatatanggap ng abiso? Kung ang violation ay nangyari matapos maibenta ang sasakyan, hindi makatarungan na ang dating may-ari ang habulin para sa kasalanang hindi naman niya ginawa.

Muli, wala po tayong pagtutol sa NCAP, dear Mayors, susuporta pa po ang inyong lingkod sa pagsisiwalat ng impormasyon sa taumbayan tungkol sa proseso nito. Naniniwala po tayong konsultasyon lamang po ang kailangan at hindi naman po ito siguro kawalan dahil bahagi po ito ng makatarungan at responsableng pamamahala. Kaya bago po sana tuloy-tuloy na ipatupad ang NCAP sa inyong nasasakupan, public consultation lamang po ang hiling ng inyong mga pinaglilingkuran. Isa pong malaking pasasalamat kung sila po ay inyong mapagbibigyan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here