Home OPINION DOH, PHILHEALTH, DEPED AT DILG, INILUNSAD YAKAP SCHOOL HEALTH PROGRAM PARA SA...

DOH, PHILHEALTH, DEPED AT DILG, INILUNSAD YAKAP SCHOOL HEALTH PROGRAM PARA SA MGA MAG-AARAL

1
0

ISANG malaking hakbang para sa kalusugan ng kabataang Pilipino ang isinagawa ng apat na pangunahing ahensya ng pamahalaan matapos nilang ilunsad ang YAKAP School Health and Protection Program (YAKAP-SHP). Sa pamamagitan ng isang Joint Memorandum Circular (JMC), opisyal na nagkaisa ang Department of Health (DOH), PhilHealth, Department of Education (DepEd), at Department of the Interior and Local Government (DILG) upang direktang dalhin ang mga serbisyong pangkalusugan sa mga paaralan sa buong bansa.

Inilagda ang makasaysayang kasunduan nina Health Secretary Dr. Edwin M. Mercado, PhilHealth Acting President and CEO Dr. Beverly Lorraine C. Ho, Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” M. Angara, at Interior and Local Government Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla. Ang inisyatibong ito ay sumusuporta sa Pillar I ng Unified National Agenda for Health (UNA Para sa Kalusugan) at sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patatagin ang mga interbensyon sa kalusugan ng mga bata.

Sa ilalim ng YAKAP-SHP, ipapatupad ang programa sa mga pampubliko at pribadong paaralan, Community Learning Centers (CLCs), Child Development Centers (CDCs), Early Childhood Care and Development (ECCD) facilities, at Inclusive Learning Resource Centers (ILRCs). Sakop nito ang mga mag-aaral sa lahat ng antas, kabilang ang Alternative Learning System (ALS) enrollees, out-of-school children at youth, maging ang mga batang may special needs o developmental delays.

Sa pamamagitan ng YAKAP-SHP, magkakaroon ang mga mag-aaral at personnel ng direktang access sa libreng health screenings, outpatient medicines, diagnostic tests, on-site specialist care para sa developmental delays, at dedicated care navigators na gagabay sa mga pamilya para sa referral at follow-up care.

Binigyang-diin ni PhilHealth APCEO Dr. Beverly Ho na ang lagdaang ito ay magbibigay ng pagkakataon upang palakihin ang saklaw ng programa. Mula sa dating ilang milyong benepisyaryo lamang, target na ngayon ng YAKAP-SHP na maabot ang mahigit 26 milyong mag-aaral sa buong bansa, pati na rin ang mga guro, non-teaching staff, at ang kani-kanilang pamilya.

Ayon kay Dr. Ho, ang visual impact ng mga serbisyong pangkalusugan na makikita mismo sa loob ng mga paaralan ay makatutulong nang malaki upang mas maunawaan, pagtiwalaan, at salihan ng mga pamilyang Pilipino ang YAKAP Program.

Sa ilalim ng Healthy Learning Institutions Program ng DOH, kinikilala ang mga paaralan bilang pangunahing venue upang magtanim ng magandang gawi sa kalusugan. Sa pamamagitan ng YAKAP-SHP, binibigyang-diin ang maagang pagtukoy at pag-aalaga sa mga batang may developmental delays mula pagsilang hanggang sa kanilang pag-aaral.

Hinihikayat ng pamahalaan ang mga magulang at guardians na makilahok sa mga gaganaping school-based orientation at empanelment sessions. Maaari ring italaga o i-update ang napiling YAKAP Clinic anumang oras sa pamamagitan ng PhilHealth Member Portal o sa pagbisita sa www.philhealth.gov.ph. Para sa karagdagang impormasyon ukol sa YAKAP benefits at mga accredited partner clinics, maaaring tumawag sa PhilHealth Action Center sa (02) 8662-2588.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here