Home METRO Online threats sa mga paaralan sa Samar, walang batayan — Pulisya

Online threats sa mga paaralan sa Samar, walang batayan — Pulisya

3
0

SAMAR, Philippines – Walang sapat na batayan ang mga online threat na kumakalat laban sa mga paaralan sa Sta. Margarita, Samar, ayon sa pulisya. Tiniyak naman ng mga opisyal ng paaralan na magpapatuloy ang klase sa kabila ng pangamba sa seguridad.

Ayon sa Sta. Margarita Municipal Police Station, nagsagawa ito ng beripikasyon, imbestigasyon at cyber-monitoring matapos kumalat nitong Lunes ang mga mensaheng nagbabanta sa mga paaralan at nagdulot ng alarma sa mga estudyante, magulang, guro at komunidad.

Natukoy na ng pulisya ang indibidwal na iniuugnay sa account na nag-post ng mga banta. Kasalukuyan itong sumasailalim sa angkop na interbensyon sa tulong ng Municipal Social Welfare and Development Office.

Nakipagtulungan din ang mga pulis sa mga school administrator, kinatawan ng mga guro at opisyal ng barangay upang alamin ang kredibilidad ng mga banta at tugunan ang mga usapin sa seguridad.

Sa hiwalay na pahayag, tiniyak ng Clarencio Calagos Memorial School of Fisheries na prayoridad nito ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral, magulang at kawani. Nakipag-ugnayan na rin ang paaralan sa Philippine National Police, Schools Division Office, lokal na pamahalaan at Department of Social Welfare and Development para sa karagdagang tulong.

Hinimok ng paaralan ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak, paalalahanan ang mga ito na sumunod sa mga pag-iingat at agad iulat ang kahina-hinalang gawain o impormasyon. Nanawagan din itong huwag magpakalat ng hindi beripikadong balita na maaaring magdulot ng takot at pangamba.

Sa pinakahuling abiso, magpapatuloy ang klase ayon sa iskedyul at wala pang ipinatutupad na suspensyon. Iaanunsyo ng paaralan sa mga opisyal na channel nito ang anumang mahalagang pagbabago. Hinikayat din ng pulisya ang publiko na manatiling kalmado at mapagmatyag at ireport ang kahina-hinalang mensahe o aktibidad.

Naganap ang mga banta sa gitna ng pag-aalala sa seguridad ng mga paaralan matapos ang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22. Tatlong estudyante ang nasawi, tatlo ang malubhang nasugatan at 20 pa ang nasugatan. Ang mga suspek ay mga menor de edad na estudyante rin ng paaralan at nasa kustodiya ng DSWD.

May mga kahalintulad ding insidente na iniulat sa Zamboanga City at Banga, South Cotabato. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here