MANILA, Philippines – Ipinagtanggol ni House prosecutor Chel Diokno nitong Martes ang desisyon ng prosecution na kumuha ng independent forensic financial analyst sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang pag-ugnayin at ipaliwanag ang mga rekord pinansyal na may kaugnayan sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.
“From the very start, we knew that it was important that we had an expert who could tie it all together or connect the dots,” ani Diokno sa ANC’s Headstart.
Iniharap ng prosecution si Atty. Alexander Cabrera bilang huling saksi para sa Article II ng impeachment complaint laban kay Duterte. Saklaw nito ang alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman at hindi ganap na pagsisiwalat ng mga ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Ayon sa pagsusuri ni Cabrera, may umano’y P817.87 milyong hindi naideklarang ari-arian at kita na iniuugnay kay Duterte at sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio mula 2022 hanggang 2025. Sinabi niyang konserbatibo ang kanyang tantiya at maaaring umabot sa P1.5 bilyon gamit ang mas malawak na palagay.
Gayunman, nananatiling mga alegasyon ang mga natuklasan ng prosecution at kinuwestiyon ito ng depensa sa paglilitis.
Paliwanag ni Diokno, kinailangang magharap ng mga rekord mula sa Securities and Exchange Commission (SEC), mga bangko at Bureau of Internal Revenue (BIR) upang maging batayan ng pagsusuri ni Cabrera.
“Because those documents were needed to lay the basis for the opinion of the expert,” aniya.
Ayon pa kay Diokno, mas komplikado ang kasong ito kaysa sa mga naunang impeachment proceeding dahil maraming numero, transaksiyon at rekord ang kailangang pag-aralan, kabilang ang mga account na may kaugnayan kay Carpio at iba pang indibidwal.
“It was more challenging and more sophisticated, I think, than the previous impeachments. And that’s why it was really necessary to find someone who had the expertise to look deeply into the numbers,” ani Diokno.
Sinuri ni Cabrera ang mga SALN ni Duterte, bank records, tax returns, investments, insurance policies, real at personal properties, at mga rekord ng mga korporasyong umano’y may interes ang mag-asawang Duterte-Carpio.
Nilinaw ni Diokno na saklaw ng pagsusuri ang mga account kung saan signatory o depositor si Duterte, kabilang ang mga personal na account at mga account na may kaugnayan sa kanyang asawa at ama.
“As Atty. Cabrera mentioned when he was questioned, this covers all accounts where VP Sara is a signatory or a depositor,” aniya.
Inihambing ni Cabrera ang mga balanse sa bangko sa katapusan ng bawat taon sa mga deklarasyon ni Duterte sa kanyang SALN. Sinuri rin ang iba pang ari-arian at investment kumpara sa mga iniulat niyang pag-aari.
Pinag-aralan din ang mga deposito upang matukoy ang posibleng hindi naideklarang kita. Inalis sa pagkukuwenta ang mga transaksiyong hindi bagong kita, gaya ng paglilipat ng pera sa pagitan ng mga account, upang maiwasan ang dobleng bilang.
“The bottom line naman talaga dito, kung malinis ang isang official ay wala dapat siyang tinatago,” ani Diokno.
Layunin ng prosecution na patunayan ang tatlong elemento sa Article II: paglahok umano ni Duterte sa negosyo, mga ari-ariang hindi naisama sa kanyang SALN, at hindi maipaliwanag na yaman.
Ayon kay Diokno, ginamit din ng prosecution ang sariling SALN ni Duterte bilang ebidensiya ng kanyang umano’y paglahok sa negosyo.
“First, ‘yung participation in business,” aniya. “And sa amin, madali lang naman ‘yun dahil mismo nang galing sa salen ni VP yung evidence namin.”
Tinalakay rin ni Diokno kung maaaring ituring na kita ang pondong saklaw ng pinal at executory na notice of disallowance ng Commission on Audit (COA) kung hindi ito ibabalik ng isang opisyal.
Ayon sa kanyang pagkaunawa sa batas, kapag naging pinal na ang notice of disallowance, obligado ang opisyal na ibalik sa pamahalaan ang halagang hindi pinayagan.
“When there is a notice of disallowance by the Commission on Audit and that has reached final judgment, pag umabot na yan ang final judgment, then an obligation is incurred by the official na dapat ibalik yun sa pamahalaan,” ani Diokno.
“So pag hindi ibinalik ‘yun, then I think that could already be considered as income,” dagdag niya.
Kasunod ito ng pahayag ni Cabrera na maaaring umabot sa P1.5 bilyon ang kanyang tantiya kung isasama ang mas malawak na palagay, kabilang ang mga halagang pinaniniwalaan niyang maaaring may kaugnayan sa umano’y pagbulsa ng confidential funds.
Gayunman, kondisyonal ang pahayag ni Diokno at hindi nito pinatutunayang ibinulsa ni Duterte ang mga pondong pinasasauli ng COA. Ang disallowance ng COA lamang ay hindi patunay na personal na inangkin ng isang opisyal ang pera ng bayan.
Binigyang-diin ni Diokno na hindi kriminal na kaso ang impeachment at hindi pagkakakulong ang parusa rito, kundi ang pagtukoy kung nilabag ng opisyal ang tiwala ng publiko at kung dapat pa siyang manatili sa puwesto.
“I think it’s important to remind the public the impeachment is not a criminal case. Hindi pagkakulong ang parusa dito kay Vice President Sara Duterte, kundi ang tanong dito ay nilabag ba niya ang certain, for example, betrayal of public trust, etc. At dapat pa ba siyang manatili sa kanyang opisina,” aniya.
Sinabi ni Diokno na natapos na ng prosecution ang paglalahad ng ebidensiya para sa Article II. May mga administratibong proseso pa itong kailangang tapusin bago ang susunod na yugto, kabilang ang pagmamarka sa mga exhibit at pormal na paghahain ng ebidensiya na nais nitong isaalang-alang ng Senate impeachment court.
“We will know this afternoon kung paano ‘yung magiging process niyan,” ani Diokno. RNT/MDS