MANILA, Philippines – Itinanggi ni Vice President Sara Duterte nitong Martes, Oktubre 13, na pag-aari niya ang loteng nasa isang larawan na umano’y iniuugnay sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN). Inakusahan din niya ang National Bureau of Investigation (NBI) ng panlilinlang sa publiko sa pamamagitan ng mga operasyon nito.
Sa pahayag ng Office of the Vice President (OVP), kinuwestiyon ni Duterte ang paggamit ng pondo ng bayan sa mga aktibidad na aniya’y walang malinaw na pakinabang sa publiko.
“Nakakabahala na ang National Bureau of Investigation (NBI), na pinopondohan ng taumbayan, ay ginagamit ang kanilang mga operasyon para sa mga gawaing walang malinaw na pakinabang sa publiko,” ani Duterte.
Mariin din niyang itinanggi na kanya ang loteng nasa larawan na sinasabing nakasaad sa kanyang SALN.
“Ang lote sa larawan na sinabi niyang nasa aking Statement of Assets, Liability, and Net Worth o SALN ay hindi sa akin,” aniya.
Iniugnay ni Duterte ang umano’y panlilinlang ng NBI sa pagkakatanggal ng ahensya sa listahan ng mga saksi na ihaharap ng prosecution sa impeachment proceedings laban sa kanya.
“Ang ganitong panlilinlang sa publiko ay ang dahilan kung bakit inalis ang NBI sa listahan ng mga testigong ihaharap ng prosekusyon sa impeachment proceedings—dahil sa mga alegasyon na muli na naman silang naglahad ng mga ebidensiyang kuwestiyonable tulad noong Gracioso affidavit,” pahayag niya.
Tumutukoy ang pahayag sa affidavit ni Rodulfo Gracioso Jr., na naging bahagi ng mga alegasyong may kaugnayan kay Duterte at sa paghawak ng pamahalaan sa mga paratang laban sa kanya.
Gayunman, mga alegasyon ni Duterte ang kanyang mga pahayag laban sa NBI at hindi pa nito kusang pinatutunayang nilinlang ng ahensya ang publiko o nagharap ito ng kuwestiyonableng ebidensiya.
Binigyang-diin ni Duterte na dapat tiyakin ng mga ahensiya ng pamahalaan na pinopondohan ng buwis ng mamamayan na ang kanilang mga hakbang ay naaayon sa batas, nakabatay sa katotohanan at para sa kapakanan ng publiko.
“Kung pera ng taumbayan ang ginagamit sa pagpapatakbo ng isang ahensiya, nararapat lamang na tiyakin na ang bawat hakbang nito ay naaayon sa batas, nakabatay sa katotohanan, at nagsisilbi sa interes ng sambayanan,” aniya. RNT/MDS