Home METRO P750 dagdag-buwanang sahod ng domestic workers sa CALABARZON, epektibo sa Okt 26

P750 dagdag-buwanang sahod ng domestic workers sa CALABARZON, epektibo sa Okt 26

1
0

CALABARZON, Philippines – Makakatanggap ng dagdag na P750 sa buwanang minimum wage ang mga domestic worker sa CALABARZON simula Oktubre 26, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Martes.

Saklaw ng Wage Order No. RB-IVA (CALABARZON)-DW-06 ang mga kasambahay sa Batangas, Cavite, Laguna, Quezon at Rizal, kabilang ang mga live-in at live-out na empleyado gaya ng general house helpers, yaya, kusinero o kusinera, hardinero at tagalaba.

Hindi naman saklaw ng kautusan ang mga family driver, service provider at temporary worker.

Ayon sa DOLE, tinatayang 201,000 domestic worker ang makikinabang sa dagdag-sahod, na magdadala sa kanilang buwanang minimum wage sa P7,500.

Inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang bagong wage order matapos isaalang-alang ang kalagayang pang-ekonomiya ng rehiyon. Nagsagawa rin ang DOLE ng konsultasyon sa mga stakeholder at publiko sa Cavite, Rizal, Quezon at Laguna.

Nagbabala ang ahensya na maaaring mapatawan ng parusa ang mga employer na hindi susunod sa kautusan, alinsunod sa Batas sa mga Kasambahay o Domestic Workers Act.

Samantala, nauna nang inanunsyo ng DOLE ang pag-apruba sa dagdag na arawang minimum wage na hanggang P45 para sa mga manggagawa sa CALABARZON. Mahigit 1.56 milyong minimum wage earner sa rehiyon ang inaasahang makikinabang dito.

Batay sa website ng NWPC, nasa P508 hanggang P600 kada araw ang kasalukuyang minimum wage rate sa CALABARZON. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here