Home METRO 2 suspek sa nakawan ng metro ng tubig sa Cavite, timbog; baril,...

2 suspek sa nakawan ng metro ng tubig sa Cavite, timbog; baril, nakumpiska

3
0

GENERAL TRIAS, Cavite, Philippines – Dalawang lalaki na umano’y sangkot sa mga nakawan ng metro ng tubig sa General Trias at mga karatig-bayan ang naaresto ng mga tauhan ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) sa Barangay Buenavista 2, General Trias City, Cavite.

Kinilala ang mga suspek na sina “Mac,” 30, at “Baro,” 29, kapwa walang trabaho at residente ng Barangay Sanja Mayor, Tanza, Cavite.

Ayon sa ulat ng General Trias Component City Police Station (CCPS), dakong alas-12:50 ng madaling-araw nang mapansin ng nagpapatrolyang mga tauhan ng BPAT ang dalawang lalaking nakasuot ng bonnet at magkaangkas sa motorsiklong walang plaka habang pumapasok sa Diego Mojica Street.

Dahil sa kahina-hinalang kilos ng dalawa, pinara sila ng mga barangay tanod para sa beripikasyon. Sa inspeksiyon, narekober ang tatlong metro ng tubig na dala ng mga suspek.

Matapos beripikahin ang pagmamay-ari ng mga metro, agad na dinakip ang dalawa at dinala sa himpilan ng General Trias CCPS para sa imbestigasyon.

Narekober din kay “Baro” ang isang 9mm M1911-FS pistol na may binurang serial number.

Patuloy na iniimbestigahan kung saan nagmula ang mga nakumpiskang metro ng tubig at kung may iba pang indibidwal na sangkot sa mga nakawan sa mga karatig-bayan.

Nahaharap ang dalawang suspek sa mga kasong paglabag sa Presidential Decree 1612 o Anti-Fencing Law at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Bahagi ang pagkakaaresto ng pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa kriminalidad, alinsunod sa layunin ng pamahalaang lungsod sa pamumuno ni Mayor Jon-Jon Ferrer na mapanatili ang seguridad, kaayusan at kapanatagan ng mga GenTriseño. MARGIE BAUTISTA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here