ECHAGUE, Isabela, Philippines – Pinalalawak ng Department of Agriculture (DA), katuwang ang mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor, ang produksyon ng ube sa Cagayan Valley upang matugunan ang lumalaking pandaigdigang demand at mabuksan ang mas maraming oportunidad sa eksport para sa mga magsasakang Pilipino.
Nakikipagtulungan ang DA Regional Field Office II (DA RFO 2) sa lokal na pamahalaan ng Echague, mga kooperatiba at asosasyon ng mga magsasaka, at mga potensyal na business partner upang palakihin ang produksyon at palakasin ang ugnayan sa mga merkado.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., mahalaga ang pagtutulungan ng DA at mga lokal na pamahalaan upang mapabilis ang produksyon at makabuo ng industriyang kayang makipagkumpitensya sa pandaigdigang merkado.
“Sa pamamagitan ng pagsasama ng teknikal na kaalaman at suporta sa produksyon mula sa DA, at kakayahan ng mga LGU na pakilusin ang mga magsasaka, tukuyin ang mga angkop na lugar, at magbigay ng lokal na suporta, mapapabilis natin ang pagpapalawak ng produksyon, matutugunan ang lumalaking pandaigdigang demand, at makakabuo tayo ng mas malaking merkado para sa eksport. Magbubunga ito ng mas mataas at mas matatag na kita para sa ating mga magsasaka,” ani Tiu Laurel.
Sa ilalim ng programa, ibinabatay ang mga lugar na pagtataniman at target na produksyon sa pangangailangan ng merkado, mga requirement ng mamimili, at kakayahan ng mga magsasaka. Nagbibigay ang DA ng teknikal na tulong at de-kalidad na planting materials, habang inoorganisa ng mga LGU ang mga magsasaka at tinutukoy ang mga angkop na lugar. Tinitiyak naman ng pribadong sektor at institutional buyers na naaayon sa pangangailangan ng merkado ang produksyon.
Noong Oktubre 7, naglaan ang DA RFO 2 ng P3.7 milyon para magparami ng 420,000 ube setts na tumitimbang ng humigit-kumulang 100 gramo bawat isa sa pamamagitan ng anim na research center at station. Umabot na sa 211,180 piraso ang naihatid sa Echague, habang nakatakdang ihatid ang natitirang 208,820 piraso.
Tutulong ang mga ito sa pagpapaunlad ng karagdagang 70 ektarya ng taniman na mangangailangan ng 1.4 milyong ube setts. Target ng DA na matugunan ang pangangailangang ito pagsapit ng Disyembre sa pamamagitan ng mas pinalawak na pagpaparami ng planting materials at pagkuha ng karagdagang suplay mula sa ibang mapagkukunan.
Noong Oktubre 1, nagsagawa rin ng pagtatasa sa Simon’s Farm ang mga Korean investor mula sa Carnot Fleet, kasama ang DA RFO 2 at lokal na pamahalaan ng Echague, upang matukoy ang mga pangangailangan para sa pagpapaunlad ng produksyon.
Sa mga talakayan kasama ang Agricultural Credit Policy Council, tinalakay ang mga posibleng suporta para sa cold storage, mekanisasyon, awtomatikong sistema ng irigasyon, consolidation facility, pagproseso ng ube, at mga oportunidad sa carbon credit. Sasailalim pa sa karagdagang pagsusuri ang mga panukalang ito.
Ayon kay Cagayan Valley Regional Executive Director Rose Mary G. Aquino, naitatag na ng rehiyon ang mga pundasyon para sa produksyon at eksport ng ube dalawang taon bago ito sumikat sa pandaigdigang merkado.
Pinondohan din ng DA-Bureau of Agricultural Research ang mga processing facility sa Quirino State University. Ginagamit ang mga ito bilang shared at learning facility sa ilalim ng Technology Business Incubation upang suriin at pagbutihin ang kalidad ng ube powder at matiyak na natutugunan nito ang mga pamantayan para sa eksport.
Ayon kay Aquino, unang target ng programa ang pagtatanim ng ube sa 100 ektarya sa Isabela, na palalawakin sa 500 ektarya pagsapit ng 2028. Kasama rin sa produksyon ang maliliit na magsasaka sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga pribadong investor upang makatulong na matiyak ang merkado para sa kanilang ani. SANTI CELARIO