CALOOCAN CITY, Philippines – Arestado ang tatlong indibidwal na kabilang sa grupo ng kalalakihang naaktuhan ng kapulisan habang naglalaro ng ilegal na sugal at makumpiskahan pa ng baril ang isa sa kanila sa Caloocan City.
Sa pahayag ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth, nagpapatrulya ang kanyang mga tauhan sa Camarin Road, Barangay 174, dakong alas-2-30 ng madaling araw nang matiyempuhan nila ang nagkukumpulang kalalakihan na nagsusugal ng cara y cruz sa Cadena de Amor.
Nagpulasan ng takbo ang mga sugarol nang makita ang papalapit na operatiba ng Police Sub-Station 11, nagawa namang maaresto ang tatlo sa kanila na edad 21, 29, at 33.
Nakumpiska sa kanila ang P800 bet money at pangara habang nang kapkapan, nasamsam sa 21-anyos na tambay ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala at walang serial number.
Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang Caloocan police sa pagkakadakip sa mga suspek at pagkakakumpiska sa hindi lisensiyadong baril na posibleng magamit sa anumang uri ng krimen. (Merly Duero)