Home NATIONWIDE 13 pulis sinibak, 57 sinuspinde sa Metro Manila

13 pulis sinibak, 57 sinuspinde sa Metro Manila

1
0

MANILA, Philippines – SINIBAK sa serbisyo ang 13 pulis habang 57 iba pa ang sinuspinde dahil sa iba’t ibang administratibong paglabag bilang bahagi ng pinaigting na internal cleansing program ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge Brig. Gen. Christopher Abrahano, umabot na sa 70 pulis ang napatawan ng parusa mula nang maupo siya bilang pinuno ng pulisya sa Metro Manila noong Agosto 23, 2026.

Kabilang sa mga kasong nagresulta sa pagkakatanggal sa serbisyo ang pagliban sa tungkulin nang walang opisyal na pahintulot o Absence Without Official Leave (AWOL), paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act, Anti-Trafficking in Persons Act, at estafa.

Samantala, kabilang sa mga paglabag na nagresulta sa suspensyon ng 57 pulis ang unlawful arrest, pagpapaputok ng baril, dishonesty, negligence at iba pang paglabag sa mga alituntunin ng Philippine National Police (PNP).

Binigyang-diin ni Abrahano na layunin ng kampanya na mapanagot ang mga pulis na lumalabag sa batas at patakaran, kasabay ng pagpapanatili ng tiwala ng publiko sa kapulisan.

“Internal cleansing is a continuing responsibility. We cannot demand discipline from the public if we cannot enforce discipline within our own ranks,” pahayag ni Abrahano sa inilabas na news release.

Aniya, kailangang resolbahin ang bawat reklamong administratibo batay sa ebidensya at tamang proseso.
Saklaw ng programa ang limang police district sa Metro Manila na kinabibilangan ng Manila Police District, Quezon City Police District, Northern Police District, Southern Police District at Eastern Police District.

Kasabay nito, nagbabala rin si Abrahano laban sa hindi awtorisadong paggamit ng mga sasakyan at gasolina ng pamahalaan para sa pansariling lakad ng mga pulis.

Inatasan niya ang lahat ng police district at unit na tiyaking may kaukulang pahintulot at dokumentasyon ang paggamit ng mga sasakyan at gasolina, at ginagamit lamang ang mga ito sa opisyal na operasyon.

Patuloy naman ang kampanya ng NCRPO upang mapabilis ang pagresolba sa mga nakabinbing kasong administratibo at mapanagot ang mga tauhang lumalabag sa mga patakaran. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here