Home NATIONWIDE Pondo para sa OFW emergencies, palakasin matapos pag-atake sa Riyadh – solon

Pondo para sa OFW emergencies, palakasin matapos pag-atake sa Riyadh – solon

2
0

MANILA, Philippines – NANAWAGAN si Sen. Joel Villanueva na palakasin ang emergency assistance funds para sa mga overseas Filipino worker (OFW) matapos masugatan ang apat na Pilipino sa pag-atake sa King Khalid International Airport sa Riyadh, Saudi Arabia.

Sa pahayag nitong Martes, Oktubre 13, iginiit ni Villanueva na kailangang tiyaking sapat ang pondong magagamit ng pamahalaan upang agad na matulungan ang mga Pilipinong maaapektuhan ng mga armadong labanan at iba pang emergency sa ibang bansa.

“Kapag buhay at kaligtasan ng ating mga kababayan ang nakataya, hindi puwedeng mabagal ang aksyon,” ani Villanueva.

Partikular na nais ng senador na palakasin ang AKSYON Fund ng Department of Migrant Workers (DMW) at Emergency Repatriation Fund ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Batay sa panukalang 2027 national budget, umaabot lamang sa P11.616 bilyon ang pinagsamang alokasyon para sa DMW at OWWA, mas mababa ng P26.058 bilyon sa orihinal nilang hiniling na P37.674 bilyon.

Naungkat ang nasabing agwat sa budget deliberations ng Senado noong Setyembre 21.

Samantala, kinumpirma ng DMW na apat na Pilipino ang nasugatan sa pag-atake sa paliparan sa Riyadh, kabilang ang dalawang airport worker at dalawang pasahero.

Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, tatlo sa mga biktima ang nananatili sa intensive care unit (ICU), habang nakalabas na sa ospital ang isa matapos gamutin sa mga tinamong paso.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang DMW at OWWA sa mga ospital at pamilya ng mga nasugatang Pilipino upang maibigay ang kinakailangang tulong.

Sa kabila ng sitwasyon, nilinaw ng DMW na wala pang ipinatutupad na deployment ban sa Saudi Arabia.

Tiniyak din ni Cacdac na may sapat na kasalukuyang pondo ang ahensya para sa mga OFW na nangangailangan ng agarang tulong, habang patuloy ang koordinasyon sa iba pang ahensya ng pamahalaan.

Kinondena naman ni Villanueva ang mga pag-atake at iginiit na mahalagang mapanatili ang mabilis na sistema ng pagtugon sa mga emergency, lalo na sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here