Home HOME BANNER STORY 50 party-list groups, nanganganib matanggal sa Comelec list

50 party-list groups, nanganganib matanggal sa Comelec list

3
0

MANILA, Philippines – NANGANGANIB makansela ang rehistrasyon ng 50 party-list groups, kabilang ang Bayan Muna, Magdalo at Buhay, matapos mabigong lumahok o makakuha ng sapat na boto at puwesto sa Kamara sa nakaraang dalawang national elections.

Batay sa Notice of Cancellation and Delisting ng Commission on Elections (Comelec) na iniulat nitong Martes, Oktubre 13, kabilang sa mga sinusuring alisin sa opisyal na listahan ang 10 grupong hindi lumahok sa dalawang magkasunod na halalan.

Kabilang dito ang 1 Alliance Advocating Autonomy Party (1AAAP), 1-United Transport Koalisyon (1-UTAK), AGBIAG, Ako Ayoko sa Bawal na Droga (AKO), Filipino Family Party, GRECON, INANG MAHAL, 1-LAMBAT, LUNTIAN at One Philippines.

Samantala, 40 pang party-list groups ang nahaharap sa posibleng delisting matapos mabigong makakuha ng hindi bababa sa 2% ng party-list votes at hindi rin nakakuha ng puwesto sa ikalawang round ng seat allocation sa nakaraang dalawang halalan.

Kabilang sa mga ito ang Bayan Muna, Magdalo Para Sa Pilipino, Buhay, A TEACHER, AKO-OFW, Ang Bumbero ng Pilipinas, Pamilya Muna, Bayan Tsuper, DIWA at BOSES Party-list.

Sa ilalim ng Section 6 ng Republic Act No. 7941 o Party-List System Act, maaaring kanselahin ng Comelec ang rehistrasyon ng isang party-list organization kung hindi ito lumahok sa dalawang magkasunod na halalan o nabigong matugunan ang mga itinakdang kondisyon sa pagkakaroon ng sapat na boto at puwesto.

Gayunman, kailangang dumaan sa due notice and hearing bago tuluyang makansela ang rehistrasyon ng isang grupo.

Nilinaw sa inilabas na abiso na pinag-aaralan pa lamang ng Comelec ang pagtanggal sa mga nasabing organisasyon at hindi pa ito pinal na desisyon.

Mahalaga ang magiging resulta ng proseso sa paghahanda para sa 2028 national and local elections, kung saan muling maghahalal ang mga botante ng mga kinatawan sa ilalim ng party-list system. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here