Home NATIONWIDE 1,222 NPA members, supporters sumuko; 79 patay sa operasyon — AFP

1,222 NPA members, supporters sumuko; 79 patay sa operasyon — AFP

1
0

MANILA, Philippines – UMABOT sa 1,222 miyembro at tagasuporta ng New People’s Army (NPA) ang iniulat na sumuko sa pamahalaan mula Enero 1 hanggang Oktubre 8, 2026, habang 79 ang napatay sa iba’t ibang operasyong militar sa buong bansa.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), kabuuang 1,349 na umano’y miyembro at tagasuporta ng NPA ang naitalang sumuko, naaresto o napatay sa nasabing panahon.

Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, Quezon City nitong Martes, Oktubre 13, sinabi ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad na bukod sa 1,222 sumuko at 79 napatay, may 48 indibidwal ding naaresto sa mga operasyon.

Ginagamit ng militar ang terminong “neutralized” upang tukuyin ang mga sumuko, nahuli o napatay sa operasyon.

Batay sa datos ng AFP, mas malaking bahagi ng kabuuang bilang ang mga sumuko kumpara sa mga naaresto at napatay.

Iniulat din ni Trinidad na nakasamsam o nakatanggap ang militar ng 804 armas at 306 anti-personnel mines sa kaparehong panahon.

Umabot naman sa 54 kampo ng NPA ang nasamsam ng mga tropa ng pamahalaan.

Sa naunang ulat ng AFP noong Setyembre, umabot sa 1,228 ang kabuuang bilang ng mga miyembro at tagasuporta ng NPA na naitalang sumuko, naaresto o napatay mula Enero 1 hanggang Setyembre 17.

Samantala, noong buong 2025, iniulat ng militar na 2,018 miyembro at tagasuporta ng NPA ang naitalang sumuko, naaresto o napatay.

Kabilang sa mga ito ang 1,798 sumuko, 93 naaresto at 127 napatay sa mga operasyong militar.

Patuloy na inilalabas ng AFP ang mga datos na ito bilang bahagi ng pag-uulat nito tungkol sa mga operasyon laban sa armadong rebelyon sa bansa. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here