MANILA, Philippines – Inalis muna sa kasalukuyang puwesto ang hepe ng Police Clearance Section ng Quezon City Police District (QCPD) habang iniimbestigahan ang viral social media post na nagsasabing naantala ang serbisyo ng police clearance sa Quezon City Hall noong Oktubre 12.
Sa pahayag nitong Miyerkules, Oktubre 14, sinabi ng QCPD na seryoso nitong tinutugunan ang reklamo at nagsasagawa ng mga hakbang upang matukoy ang tunay na nangyari.
Batay sa paunang beripikasyon at mga available na tala ng transaksyon, iniulat ng QCPD na nagpatuloy ang pagproseso ng police clearance sa panahong tinutukoy sa post sa ilalim ng kanilang alternatibong sistema ng lunch break.
Layunin ng nasabing sistema na matiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng mga serbisyong pampubliko, alinsunod sa Republic Act No. 9485 o Anti-Red Tape Act of 2007, na inamyendahan ng Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.
Ayon sa QCPD, administratibong hakbang ang pagkakatanggal sa puwesto ng hepe habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Hindi rin nito inaalis ang posibilidad na mapanagot ang sinumang mapatunayang may paglabag.
“Any personnel found to have violated applicable laws, rules, or regulations shall be dealt with in accordance with due process,” ayon sa pahayag ng QCPD.
Hinimok din ng pulisya ang indibidwal na naglahad ng reklamo na magsumite ng pormal na reklamo at kaukulang ebidensya upang makatulong sa pagtukoy sa mga pangyayari.
Tiniyak ng QCPD na patas at obhetibong susuriin ang lahat ng kaugnay na detalye ng insidente. RNT/JGC