MANILA, Philippines – HINIKAYAT ni bagong Presidential Communications Office (PCO) Chief Lino Cayetano ang mga kritiko na suportahan ang mga programa ng gobyerno sa kabila ng ‘political differences.’
Pinalitan ni Cayetano si Dave Gomez, kung saan hindi kinumpirma ng congressional Commission on Appointments ang appointment nito.
Si Cayetano, nakababatang kapatid nina minority Sens. Alan Peter at Pia Cayetano, ang pang-anim na uupo bilng PCO chief.
Matapos ang kanyang oath-taking, araw ng Martes, tinanong si Cayetano ukol sa usapin ng kanyang appointment, lalo na ang pagkakaroon ng mga kapatid na kritiko sa administrasyong Marcos.
“Regardless nasa’n tayo sa political spectrum, ang importante, are we fighting for the same things? And across the political spectrum, many of us kahit ibang partido, pareho ang pinaglalaban natin,” ang winika ni Cayetano.
Kaya nga, nanawagan si Cayetano sa mga government supporters at kritiko nito na “come together to support programs that will help the Filipino people.”
Inilatag naman ni Cayetano ang ilan sa kanyang mga plano para labanan ang fake news, at ilang pagbabago sa pagmemensahe lalo na’t dumaranas ngayon ang Pangulo ng mababang rating.
“We will continue to engage with media, we will continue to see how to most effectively communicate with the Filipino people not just to Filipinos in the country but to Filipinos around the world,” ayon kay Cayetano. KRIS JOSE