MANILA – Muling inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paggalang ng pambansang pamahalaan sa awtonomiya ng Bangsamoro at sa mga demokratikong institusyon nito kasunod ng pagkakabuo ng 46-miyembrong majority coalition sa Bangsamoro Parliament.
Kinilala ng Pangulo ang layunin ng koalisyon na buuin ang ‘government of the day’ sa pamamagitan ng itinakdang proseso ng parliyamento.
“Following the announcement of a 46-member majority coalition, I reiterate the national government’s respect for Bangsamoro autonomy and its democratic institutions,” sabi ni Pangulong Marcos sa pahayag na inilabas ng Office of the President.
Binigyang-diin ng Pangulo na kinikilala ng pambansang pamahalaan ang kapangyarihan ng Bangsamoro Parliament na magtakda ng sariling pamunuan nito at bumuo ng pamahalaang panrehiyon alinsunod sa wastong proseso.
“We respect Parliament’s authority to determine its leadership in accordance with the Bangsamoro Organic Law,” saad ni Marcos.
Binati rin ni Marcos ang lahat ng halal na miyembro ng Bangsamoro Parliament at tinawag na makasaysayang hakbang ang kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro sa patuloy na pagsisikap ng mga mamamayan ng rehiyon na makamit ang sariling pamamahala at pangmatagalang kapayapaan.
“The successful conduct of the elections shows that the political process is proceeding at such a good pace,” dagdag pa niya.
Ayon sa Pangulo, mahalagang igalang ang matagal nang hangarin ng mga Bangsamoro na magkaroon ng tunay na awtonomiya at karapatang pamahalaan ang kanilang sarili na siyang sentro ng proseso ng kapayapaan sa rehiyon.
Muling pinagtibay ng kanyang pahayag ang pagkilala ng pambansang pamahalaan sa mga demokratikong institusyon ng Bangsamoro at ang pangakong igalang ang mga prosesong pampulitika na susundan sa pagbuo ng pamahalaang panrehiyon.
Ipinahayag din ni Marcos ang kahandaang makipagtulungan sa pamahalaang pormal na bubuuin ng parliyamento upang maisulong ang kapayapaan, katatagan, at inklusibong pag-unlad sa rehiyon.
“We look forward to working with the government formally constituted by Parliament in support of peace, stability, and inclusive development,” saad ng Pangulo.
Muli rin niyang tiniyak na patuloy na susuportahan ng pambansang pamahalaan ang isang matatag, nagsasarili, at mapayapang Bangsamoro, kasabay ng pagpapanatili sa mga napagtagumpayan ng proseso ng kapayapaan habang nagpapatuloy ang rehiyon sa ilalim ng parliamentary system.
“The national government will continue to support a strong, autonomous, and peaceful Bangsamoro,” sabi pa ni Marcos.
Mahalagang pag-unlad sa pulitika ng rehiyon ang pagkakabuo ng 46-miyembrong majority coalition kasunod ng makasaysayang halalan. Susunod na isasagawa ng mga nahalal na miyembro ang mga prosesong parliyamentaryo upang maitatag ang pamunuan ng rehiyon at mabuo ang ‘government of the day.’
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Marcos ang paggalang sa awtonomiya ng Bangsamoro at sa kapangyarihan ng parliyamento, gayundin ang kahandaan ng Malacañang na makipagtulungan sa pamahalaang panrehiyon sa sandaling pormal na itong mabuo.
Muling pinagtibay ng Pangulo ang pangako ng pambansang pamahalaan na suportahan ang proseso ng kapayapaan sa Bangsamoro, demokratikong pamamahala, at inklusibong pag-unlad habang patuloy na pinatatatag ng rehiyon ang sistema ng sariling pamamahala. RNT