Home HOME BANNER STORY 109 lugar, state of calamity sa El Niño — NDRRMC

109 lugar, state of calamity sa El Niño — NDRRMC

1
0

MANILA, Philippines — Umakyat na sa 109 ang bilang ng mga lungsod at munisipalidad sa bansa na nagdeklara ng state of calamity dahil sa matinding epekto ng El Niño, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Batay sa datos ng ahensya nitong Miyerkoles, Oktubre 14, nadagdagan ng dalawang lugar ang dating 107 na nasa ilalim ng state of calamity matapos magdeklara ang mga bayan ng Paracelis sa Mountain Province at Pudtol sa Apayao.

Pinakamaraming deklarasyon ang naitala sa Cagayan Valley na may 66 na lugar, sinundan ng Caraga na may 23 at Bicol Region na may 12.

Mayroon ding apat sa CALABARZON, dalawa sa Cordillera Administrative Region (CAR), at tig-isa sa Eastern Visayas at SOCCSKSARGEN.

Umabot naman sa 451,889 indibidwal o 121,185 pamilya ang naapektuhan ng El Niño sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa bilang na ito, 291,381 indibidwal ang mula sa Caraga, na may pinakamalaking bilang ng mga residenteng apektado ng matinding tagtuyot.

Samantala, umabot na sa P6.53 bilyon ang halaga ng pinsala at pagkalugi sa produksyon ng agrikultura, batay sa datos ng Department of Agriculture (DA) na nakapaloob sa ulat ng NDRRMC.

Nakapagtala rin ang ahensya ng 48,616 pamilyang nangangailangan ng tulong, kung saan 36,275 pamilya na ang nabigyan ng ayuda na nagkakahalaga ng P46.47 milyon.

Patuloy namang nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na maaaring tumindi pa ang El Niño bago matapos ang 2026 at magpatuloy hanggang sa unang kalahati ng 2027.

Ayon sa PAGASA, maaaring magdulot ang kondisyon ng mas mababang dami ng ulan, dry spells at tagtuyot sa ilang lugar sa bansa. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here