Home HOME BANNER STORY Piso, sumadsad sa record-low na P63.15 kontra dolyar

Piso, sumadsad sa record-low na P63.15 kontra dolyar

3
0
(c) Danny Querubin

MANILA — Lalo pang humina ang piso matapos umabot sa P63.15 ang palitan nito kontra US dollar sa intraday trading nitong Huwebes, Oktubre 15, na iniulat na panibagong pinakamababang antas ng lokal na pera.

Nalampasan nito ang naunang record-low closing rate na P62.90 kada dolyar noong Oktubre 8.

Mahalagang tandaan na ang P63.15 ay naitala habang nagpapatuloy ang kalakalan at hindi pa ang opisyal na closing rate ng piso ngayong araw.

Posibleng magdulot ng dagdag na pressure sa presyo ng mga bilihin ang paghina ng piso, partikular sa produktong inaangkat mula sa ibang bansa gaya ng langis at iba pang pangunahing pangangailangan.

Dahil dolyar ang ginagamit sa pagbili ng imported fuel, maaaring tumaas ang gastos ng mga kompanya sa pag-angkat nito at kalaunan ay makaapekto sa presyo ng gasolina, diesel at transportasyon.

Maaari ring lumaki ang halagang piso ng mga remittance mula sa overseas Filipino workers (OFWs) na nagpapadala ng dolyar sa kanilang pamilya. Gayunman, maaaring mabawasan ang benepisyong ito kung tataas din ang presyo ng mga bilihin.

Samantala, sa pinakahuling datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa Oktubre 14, nasa P62.826 ang weighted-average exchange rate ng piso kontra dolyar.

Nauna nang sinabi ng BSP na ang paghina ng piso ay maaaring magdagdag sa inflationary pressure, lalo na kung mabilis at malaki ang pagbabago sa exchange rate. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here