Home METRO 14-anyos sinaway para mag-aral, sinaksak sariling nanay

14-anyos sinaway para mag-aral, sinaksak sariling nanay

4
0

ILOCOS NORTE — Sugatan ang isang 37-anyos na ina matapos umanong pagsasaksakin ng kanyang 14-anyos na anak dahil sa pagsaway tungkol sa pag-aaral at madalas na pakikipagbarkada sa Laoag City nitong Miyerkoles, Oktubre 14.

Nagalit umano ang binatilyo nang pagsabihan siya ng ina na mag-aral at bawasan ang paglabas kasama ang kanyang mga kaibigan.

Ayon kay Police Major Noel Cabacungan, information officer ng Ilocos Norte Police Provincial Office, nauwi sa pagtatalo ang pagsaway ng ina matapos itong sigawan ng anak.

Umakyat umano ang binatilyo sa ikalawang palapag ng kanilang bahay at sinundan ng ina upang kausapin.

Habang nag-uusap, bumunot umano ng maliit na kutsilyo ang menor de edad at sinaksak ang ina sa tiyan.

Muli umanong sinaksak sa dibdib ang biktima nang tangkain nitong pigilan ang anak.

Nagawa pang makahingi ng tulong ang ginang at agad na isinugod sa ospital.

Nasa stable na kondisyon na ang biktima ngunit nananatiling naka-confine para sa patuloy na gamutan.

Samantala, dinala ang binatilyo sa Laoag City Police Station sa pakikipag-ugnayan sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO).

Narekober din ng mga awtoridad ang kutsilyong pinaniniwalaang ginamit sa pananaksak.

Sa ilalim ng Republic Act No. 9344, na inamyendahan ng RA 10630, ang mga batang edad 15 pababa ay hindi maaaring panagutin sa kasong kriminal ngunit kailangang sumailalim sa angkop na intervention program. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here