Home METRO ‘Machong Chismisan’ sibak sa network matapos laitin si Kuya Josh

‘Machong Chismisan’ sibak sa network matapos laitin si Kuya Josh

4
0

MANILA, Philippines — Tuluyan nang tinanggal ng The Pod Network ang podcast na Machong Chismisan matapos umani ng matinding batikos ang mga host nito dahil sa mga mapanlait na komento laban kay Josh Aquino, panganay na anak ni Kris Aquino.

Sa pahayag na inilabas ng network, kinumpirma nitong tinapos na ang kontrata sa nasabing podcast at agad itong aalisin sa kanilang platform.

“We have formally terminated our contract with the Machong Chismisan podcast, and are consequently removing the show from the network, effective immediately,” ayon sa The Pod Network.

Sumiklab ang kontrobersiya matapos kumalat ang video clip mula sa episode na “Ang Pagbabalik ni Kris Aquino,” na inilabas noong Oktubre 5.

Sa naturang episode, ikinumpara ng host na si Tito P sina Josh at nakababatang kapatid nitong si Bimby Aquino.

“Si Bimby sobrang okay na anak, si Josh walang kwenta eh,” pahayag ni Tito P, na sinundan ng tawanan ng ilan sa kanyang mga kasamahan.

Binatikos ng netizens ang naturang pahayag, lalo na’t nasa autism spectrum si Josh.

Kasunod ng kontrobersiya, humingi ng paumanhin ang mga host na sina Makoy Pare at Tito P at inalis ang nasabing episode sa kanilang mga platform.

Aminado si Makoy na may mga komentong naging insensitive at nakasakit ng damdamin, bagama’t iginiit niyang hindi layunin ng programa na manghamak ng ibang tao.

Nagpaliwanag naman si Tito P na mayroon siyang attention-deficit/hyperactivity disorder (ADHD), na aniya ay maaaring makaapekto sa kanyang impulse control. Nilinaw niyang hindi ito dahilan upang ipagwalang-bahala ang kanyang pagkakamali.

Samantala, hindi rin pinalampas ng malalapit na kaibigan ni Kris ang mga komento laban sa kanyang anak.

“MAY KWENTA SI KUYA JOSH. MAHALAGA SIYA. AT KARAPAT-DAPAT SIYANG RESPETUHIN,” pahayag ni Jack Salvador, matagal nang personal assistant at kaibigan ng pamilya Aquino.

Ipinagtanggol din nina Darla Sauler at entertainment journalist Dindo Balares si Josh, na inilarawan nilang mapagmahal, maalalahanin at may malasakit sa kanyang pamilya at mga taong nakapaligid sa kanya.

Maging si Boy Abunda ay kinondena ang mga komento at nagpahayag na papayuhan niyang magsampa ng kaso si Kris laban sa mga sangkot kung hihingin nito ang kanyang opinyon.

Nauna ring nanawagan ang Autism Society Philippines (ASP) na panagutin ang mga host at ipinaalala ang Republic Act No. 9442, na nagbabawal sa public ridicule at vilification ng persons with disabilities.

Gayunman, ang pagiging nakasasakit ng isang pahayag ay hindi awtomatikong nangangahulugang may nagawang krimen, dahil kinakailangan pa ring suriin ang mga pangyayari batay sa batas.

Wala pang pampublikong pahayag si Kris Aquino tungkol sa kontrobersiya batay sa mga ulat hanggang umaga ng Oktubre 15. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here