PAMPANGA, Philippines — Kinikilala ng pamahalaan ang kakulangan ng oportunidad sa trabaho sa labas ng Metro Manila kaya patuloy nitong pinalalakas ang logistics infrastructure upang suportahan ang mga negosyo, exporter at manggagawang Pilipino.
Ito ang binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagbubukas ng UPS Clark International Air Hub noong Oktubre 15, 2026. Inaasahang magbibigay ito ng trabaho sa mga taga-Pampanga at Central Luzon at tutulong sa mga lokal na negosyo na maabot ang mga pandaigdigang pamilihan.
Sinimulan ang konstruksyon ng pasilidad noong Hulyo 2025 at binuksan ito alinsunod sa itinakdang target. Mayroon itong mas malaki at automated na sistema na kayang humawak ng mga gamot at iba pang suplay pangkalusugan, na makatutulong sa mga ospital at botika na nangangailangan ng mabilis na paghahatid.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, layunin ng bagong hub na pabilisin ang pagproseso ng mga padala at dagdagan ang kapasidad ng cargo operations. Mula sa dating 5,000 pakete at cargo shipment kada araw, kaya na nitong magproseso ng hanggang 46,000 parcel.
Ang pasilidad ay nagkakahalaga ng US$80 milyon at pinakamalaking pamumuhunan ng UPS sa Pilipinas. Kabilang din ito sa mahahalagang proyekto sa ilalim ng Luzon Economic Corridor na naglalayong palakasin ang logistics, supply chain at ekonomiya ng bansa.
Tiniyak ni Marcos na patuloy na isusulong ng pamahalaan ang mga proyektong pang-imprastraktura at pagtupad sa mga ipinangakong pamumuhunan sa tamang panahon upang lumikha ng trabaho at maghatid ng konkretong benepisyo sa mga Pilipino.
Matapos ang pagbubukas ng UPS Clark International Air Hub, nagtungo si Marcos sa Bataan upang inspeksiyunin ang Balanga Green Mobility Hub.
Ayon kay Castro, makatutulong ang pasilidad sa pagpapababa ng gastos sa transportasyon sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Kaya nitong mag-charge ng hanggang walong sasakyan nang sabay-sabay gamit ang apat na charging base.
Mula sa tinatayang ₱26.94 kada kilometro para sa tradisyonal na diesel bus, ₱2.87 kada kilometro na lamang ang gastos para sa electric bus. Inaasahang makapaglilingkod din ang hub sa humigit-kumulang 1,400 pasahero kada araw.
Gagamit ito ng kuryenteng mula sa 220 solar panel na nakakabit sa bubong upang makapag-charge ang mga electric public vehicle.
“Mapagkakatiwalaan, matipid at malinis an transportasyon – ito ang maaasahan ng taumbayan sa patuloy na pamumuhunan ng administrasyon sa mga proyekto gaya ng Balanga Green Mobility Hub,” ayon kay Castro. (KRIS JOSE)