LANAO DEL SUR, Philippines — Arestado ang isang umano’y big-time drug peddler matapos makumpiska ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱3.6 milyon sa buy-bust operation sa bayan ng Taraka, Lanao del Sur, nitong Huwebes.
Ayon kay Brig. Gen. Christopher Abecia, direktor ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), kinilala ang suspek na si Faiz Moin Tampogao, alyas Jam, 33, walang trabaho at residente ng Barangay Dilausan, Maguing, Lanao del Sur.
Dinakip siya ng mga pulis at miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency-BAR (PDEA-BAR) sa Barangay Masolun, Taraka. Ayon kay Abecia, isang poseur-buyer ang bumili ng ilegal na droga mula sa suspek, na hindi naman nanlaban nang arestuhin.
Nasamsam mula kay Tampogao ang 10 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱3,629,160, isang Android mobile phone, identification card, at ₱1,000 marked money na inilagay sa ibabaw ng pitong bundle ng boodle money.
Si Tampogao ang ikatlong high-value target na naaresto sa Lanao del Sur mula Oktubre 10, wala pang isang linggo matapos ang naunang operasyon. Noong Oktubre 10, dalawang hinihinalang high-value drug personality ang naaresto rin sa lalawigan, kung saan nasamsam ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱3.9 milyon.
Pinuri ni Abecia ang mga yunit na nagsagawa ng operasyon at hinimok ang publiko na manatiling mapagmatyag at patuloy na suportahan ang mga hakbang ng pamahalaan laban sa kriminalidad at ilegal na droga sa Bangsamoro region. RNT/MDS