HABANG ang ibang bansa, may solido nang plano para sa kinatatakutang mangyayaring Super El Niño sa buong mundo, ang Pilipinas ay papeteks-peteks lang. Ginagawa pa itong katatawanan…mismo ng pamahalaan.
Nang tanungin ang Pangulo kung handa na ba ang Pilipinas sa Super El Niño, aba’y tekamots ng ulo ang lolo n’yo.
Ang ibang lider ng bansa, nag-iisip kung paano aayusin ang supply ng kanilang tubig para protektahan ang agrikultura nila. Ang advice sa atin ni Pangulong Bongbong ay bumili ng balde para mag-ipon ng tubig-ulan.
Bwakanabits na ‘yan, napagastos pa tayo. Yung pambili ng bigas o gaas, naibili pa ng balde. E paano kung walang ulan, kasi’y tagtuyot nga? Ano’ng gagawin sa balde? Isasaklob sa ulo?
Kaya batikos ang inabot ni PBBM sa publiko sa payo niyang nakakaloko. To the rescue agad ang paborito niyang “bungangera” na si Ante Kler.
Sabi ni Ante Kler, hindi raw natin naiintindihan ang payo ni Bongbong kaya dapat ay bumili tayo ng “isang baldeng utak”. E ‘di kayong dalawa na ng amo mo ang matalino!
Kung kami e walang utak, sa inyo naman ay tuyot na wala pang El Niño.
Tingnan n’yo ang Indonesia, matagal nang pinagana ang buong sistema para labanan ang matinding tagtuyot. Namahagi sila ng humigit-kumulang 100,000 water pumps at isinaayos ang halos 900,000 ektarya ng irrigation networks.
Nagpakalat rin sila ng drought-resistant seeds para may panlaban ang mga pananim sa Super El Niño. Pinalakas din ang koordinasyon para makontrol ang forest at land fires.
Ang ibang bansa, hindi lang naghihintay na tumama ang krisis bagkus ay gumagawa na agad ng mga hakbang para mabawasan, kundi man lumala ang epekto nito. Sa atin, puro press release. Puro boladas.
Walang problema sa pag-iimbak ng tubig-ulan. Matagal nang ginagawa ‘yan ng marami nating kababayan.
Pero Super El Niño ang paparating. Balde lang ba ang nakikitang solusyon ng gobyerno? Paano ang mga lugar na kulang na kulang talaga sa tubig kahit normal ang panahon?
‘Yung mga magsasakang wala pa ring irigasyon? Hindi naman wisik-wisik lang mula sa isang baldeng tubig ang kailangan para mapatubigan ang mga sakahan.
Paano ang mga pang-araw-araw na pangangailangan kapag nariyan na ang matinding tagtuyot? Marami ang hindi makakatrabaho sa tindi ng init. Paano ang mga mag-aaral na maaapektuhan?
Totoo naman talaga na hindi ang Presidente lang ang kailangang kumilos laban sa anomang dumarating na krisis. Kung diskarte lang, madiskarte ang mga Pilipino pagdating sa mga problema.
Hindi kailangan ng Pilipino ng paalalang bumili ng balde at mag-ipon ng tubig-ulan. Ang kailangan namin ay gobyernong hindi “kamote mag-isip”, bagkus ay ‘yung may malinaw at malawak na plano para sa kabutihan ng nakararaming Pilipino.






