Home OPINION HELMET BAN, BATAS NA SABLAY?

HELMET BAN, BATAS NA SABLAY?

2
0

MAY palaisipan sa Quezon City kaugnay sa ordinansang nagbabawal sa pagsusuot ng motorcycle helmet sa ilang lugar bilang hakbang laban sa krimen, samantalang may pambansang batas na nag-uutos na magsuot nito ang mga nagmomotorsiklo.

Naglabas ng show cause order ang Land Transportation Office laban kay QC Councilor Rannie Ludovica dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 10054 o Motorcycle Helmet Act. Malinaw ang Seksyon 3: obligadong magsuot ng standard protective helmet ang mga motorcycle rider, driver man o backride, sa lahat ng pagkakataon habang bumibiyahe, mahaba man o maikli ang biyahe. Exempted ang mga driver at pasahero ng tricycle.

Depensa ni Ludovica, may mga ordinansa sa barangay na kinumpirma ng konseho ng QC na nagbabawal sa pagsusuot ng helmet sa ilang lugar. Aniya, bahagi rin ng crime prevention operation laban sa mga drug pusher ang video kung saan siya nakitang walang helmet.

May isa pang ordinansa, QCSP-2765, S-2018, na nag-aatas sa mga motorcycle driver at pasahero na magtanggal ng helmet, headgear, face mask o anomang pantakip sa mukha pagpasok sa mga establisimyento, gaya ng mall at tindahan, upang makilala ang kanilang pagkakakilanlan.

Pero teka! Kung may batas na nag-uutos magsuot ng helmet sa kalsada at ordinansang nagbabawal nito sa ilang lugar, sino ang dapat sundin ng motorista? Suot mo, may bawal; tanggal mo, may multa!

Totoong may kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng ordinansa. Gayunman, hindi nangangahulugang awtomatiko itong mananaig kapag sumasalungat sa pambansang batas. Maaaring kuwestiyunin ang bisa nito sa hukuman, at hindi sapat ang opinyon lamang upang ideklarang walang bisa ang ordinansa.

Dapat ding linawin ng LTO ang pagpapatupad ng batas at kung paano haharapin ang mga ordinansang posibleng sumasalungat dito.

Dapat bang pagmultahin si si Tatay Ludovica? Kung mapatutunayang lumabag siya, dapat siyang managot alinsunod sa batas. Ngunit ang pagsuspinde ng lisensya bilang improper driver ay nangangailangan ng hiwalay na ligal na batayan at sapat na ebidensya.

Sa batas-trapiko, hindi pwedeng kanya-kanyang interpretasyon. Kaligtasan ng mamamayan at motorista ang nakataya, kaya dapat malinaw ang batas at pare-pareho ang pagpapatupad nito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here