HINDI magkandaugaga ang gobyerno sa pagmamalaki na yumayaman na ang Pilipinas at sa katunayan, naabot na ang gradong Upper Middle Income na bansa.
May kita na kasi umano ang bawat Pinoy na $4,850 o P305,067.43 kada taon at bawat isa ay sumasahod o kumikita na ng P25,422.30 kada buwan.
Bago mag-Hulyo 1, 2026, may kita lang na $4,636 o P291,581.22 bawat taon sa buwanang sahod na P24,298.44 nasa Lower Middle Income umano tayo.
Nagpiyesta mismo ang gobyerno, partikular ang Malakanyang, nang ideklara ng World Bank na nasa hanay na ng Upper Middle Income Countries ang Pinas.
‘Yun bang === yayamanin na ang bawat Pinoy at hindi na naghihirap.
Dream come true, sabi ng mga taga-Palasyo.
Dahil dito, kung mangutang umano ang Pinas sa ibang bansa, wala nang tanong-tanong kung makapagbabayad tayo hindi.
Bigay kaagad ang nagpapautang kahit pabulong lang ang pangungutang.
Kaya nitong Agosto, umabot na sa ₱19.61 trillion ($317.4 bilyon) ang utang natin at magiging P19.
76 sa Disyembre 2026.
Balak pang mangutang ang gobyerno ng P3.3 trilyon sa 2027 kaya magkakaroon ng kabuuang utang na P23 trilyon.
Nadatnan ng administrasyong Bongbong Marcos ang P12.79 utang nina ex-President Digong Duterte at nauna pang mga Presidente.
Kapag kinuwenta mo ang utang na at uutangin pa lang sa 2027 ng administrasyong Marcos, anak ng tokwa, aabot na sa kabuuang mahigit P10 trilyon.
Sa mahigit 4 taon lang na panunungkulan ng Marcos government, halos kapantay na ang utang at uutangin nito sa 2027 na P10 trilyon ng pinagsama-samang utang ng mga adminitrasyong Duterte, Aquino, Gloria-Macapagal-Arroyo at iba pa.
MAHIHIRAP DUMARAMI NAMAN
Sa kabila ng pagmamalaki ng Marcos government na yumayaman na ang Pinas, lumabas naman sa survey ng Social Weather Station na dumarami ang naghihirap na pamilyang Pinoy.
Sabi ng SWS, “aabot sa 55% ng mga pamilyang Filipino—o humigit-kumulang 16.8 milyong pamilya—ang itinuturing ang kanilang sarili na “mahirap” batay sa pinakabagong survey.”
Lumitaw ito sa sarbey na pinalabas ng SWS nitong Setyembre 21-27, 2026.
Dumami ang naghihirap na pamilya mula sa 49% na binubuo ng 13.6 milyong pamilya noong Hunyo 2026.
Nasa 36% lang ang nagsabing hindi sila mahirap.
Lumitaw rin sa sarbey na lumaki ang bilang ng mga indibidwal nagsasabing sila’y mahirap mula sa 36% noong Hunyo sa 44% nitong Setyembre.
Dumami rin ang talagang walang makain o kinakapos ng pagkain mula 20.3% ng mga pamilya noong Hunyo 2026 sa 22.6% ng mga pamilya nitong Setyembre.
KUYA EDI, ANO BA TALAGA ANG TOTOO?
Kung hindi nagkakamali ang SWS at ang pamahalaan na rin, ano ba talaga ang totoo?
Kung totoo lahat ang sinasabi ng dalawa, lilitaw na yumayaman ang Pinas pero humihirap ang mga Pinoy.
Hindi ka ba paninindigan ng balahibo niyan?
Mukhang naghahalo ang katotohanan at kasinungalingan dito at sino ang nagsasabi ng totoo at nagsisinungaling?
Ang gobyerno ba o ang mga mamamayan?
Ang isang tiyak dito, nabubuhay ang gobyerno sa mga dambuhalang utang at buwis ngunit ang mga mamamayan ang nagbabayad ng utang at buwis
Kaya dito makikita kung sino ang yumayaman at humihirap at hindi basta naghihirap.






