MANILA, Philippines — Wala pang batas sa Pilipinas na partikular na nagde-define at nagpaparusa sa foreign interference, ayon sa Department of Justice (DOJ), habang tinatalakay sa Senado ang mga panukalang magpapalawak at magmo-modernize sa mga batas kontra espionage.
Sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security nitong Huwebes, sinabi ni DOJ Senior State Counsel Fretti Ganchoon na umiiral na ang krimen ng espionage ngunit kailangang iangkop ang depinisyon nito sa mga makabagong banta.
“We have not yet in our existing laws actually defined and criminalized foreign interference,” ani Ganchoon.
Binanggit niya bilang halimbawa ang kaso noong 2025 ng mga Chinese national na nahuling may kagamitang pinaghihinalaang ginagamit sa spying. Ayon kay Ganchoon, maaaring magkaroon ng legal gap kung kagamitan lamang ang hawak ng isang suspek ngunit walang mapatutunayang aktuwal na pagkuha ng classified information.
Sinabi naman ni dating National Security Council assistant director general Jonathan Malaya na limitado rin ang saklaw ng kasalukuyang espionage laws, partikular sa mga sensitibong impormasyon na hindi direktang may kaugnayan sa military installations o national defense.
Sa ilalim ng Article 117 ng Revised Penal Code, saklaw ng espionage ang walang awtorisasyong pagpasok sa warship, fort o military establishment upang kumuha ng confidential defense information, gayundin ang pagbibigay ng naturang impormasyon ng isang public officer sa kinatawan ng dayuhang bansa.
Umiiral din ang Commonwealth Act No. 616 o Espionage Act of 1941, ngunit sinabi ng mga opisyal sa pagdinig na kailangang i-update ang legal framework upang masaklaw ang modernong pamamaraan ng spying at foreign interference.
Samantala, naipasa na ng Kamara noong Setyembre 17 ang House Bill No. 9642 o New Espionage Act, na naglalayong palawakin ang saklaw ng espionage law. Ipinadala ito sa Senado noong Setyembre 21.
May hiwalay ding Senate Bill No. 2080 o Counter Foreign Interference Act, na naglalayong gawing krimen ang foreign interference at bumuo ng Counter Foreign Interference Council. Nakabinbin pa ang panukala sa Senado. RNT