Home METRO Libo-libong isda patay sa Malabon, Obando sa init ng El Niño 

Libo-libong isda patay sa Malabon, Obando sa init ng El Niño 

1
0

MANILA, Philippines — Libo-libong isda ang naiulat na namatay sa Malabon at Obando, Bulacan habang nakararanas ang mga mangingisda ng matumal na huli sa gitna ng matinding init at umiiral na El Niño.

Sa Mega Dike sa Malabon, sinabi ng mangingisdang si Enrique na halos wala na siyang mahuli dahil umano sa umiinit na tubig, kasabay ng epekto ng dry spell at mga nagdaang pagbaha.

“Umiinit po yung tubig… kaya yung isda namamatay… Dati, hindi naman po ganoon. Pero ngayon, halos araw-araw po namamatay ang isda,” aniya.

Isa pang mangingisda na si Ronaldo ang nagsabing kapansin-pansin din ang pagbagsak ng kanilang huli ng maliliit na isda at hipon, habang maging ang tubig sa ilog ay matindi umano ang init.

Apektado rin ang bentahan sa Dampalit Megadike. Ayon sa isang fish vendor, umaabot na ng dalawang araw bago maibenta ang kanilang mga huli kumpara sa dati na nauubos ang mga ito araw-araw.

Ayon naman kay Association of Fresh Fish Traders of the Philippines president Jonjon Santos, kabilang sa posibleng higit na maapektuhan ng init ang maliliit na pelagic fish gaya ng galunggong at sardinas dahil sa pagbabago sa kondisyon ng tubig.

Samantala, sinabi ng PAGASA na strong to very strong El Niño ang umiiral sa tropical Pacific at inaasahang magpapatuloy hanggang unang bahagi ng 2027, habang posibleng umabot sa peak bago matapos ang 2026. Pinapataas nito ang posibilidad ng below-normal rainfall, dry spell at drought sa ilang lugar.

Wala pang binanggit na opisyal na pagsusuri mula sa fisheries authorities na nagtatakda sa eksaktong sanhi ng fish kill, kaya nananatiling batay sa obserbasyon ng mga mangingisda at fish traders ang pag-uugnay nito sa matinding init at El Niño. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here